7. The Catch
“I’m really happy for you, Andrea. Pagkatapos ng mga pagtitiis mo, kayo rin pala talaga ni Quin,” masayang sabi ni Yessa sa kanyang kaibigan. Nagtungo ito sa kanila, ibinalita na pakakasal na uli ito.
May isang buwan nang nakababalik noon sa kanila si Yessa. Anim na buwan siyang nanatili sa Amerika para pagbigyan ang hiling ng mga magulang, partikular ang mommy niya. Sa tingin kasi niya ay nape-pressure na ito. At gusto rin niya na matahimik mula sa issue ni Alvin.
Na-realize niya na kung hindi siya nagawang ipaglaban ng dating nobyo sa mga sirkumstansiya na ang ilan ay lingid pa rin sa kanya hanggang ngayon, baka hindi pa rin siya maipaglalaban nito sa mas mabibigat na puwersang maglalayo sa kanilang dalawa—tulad ng lolo niya.
Marami siyang naging libangan habang nasa States siya. Kumuha siya ng crash course sa Basic Sculpture sa isang art school doon, sa panghihimok na rin ni Tita Milsen, ang housekeeper ng mga Saavedra. Sa bahay ng mga ito sa Garden Grove siya pansamantalang tumira. Tinanggihan niya ang suhestiyon ng mommy niya na sa bakasyunan ng lolo niya sa LA mamalagi. More than willing naman ang mga magulang ni Sev at ito na patirahin siya sa bahay ng mga ito sa Garden Grove.
Habang nag-aaral, natuklasan niya na may kakayahan din pala siyang lumikha sa larangan ng sining ng iskultura.
Ikalawang buwan niya sa States nang dalawin siya roon ni Sev. Namasyal sila at nagbalitaan. Dalawang linggo rin niyang nakasama ito roon. Lahat ng puntahan nito ay isinasama siya. Lalo pa silang naging malapit. Lungkot na lungkot siya nang bumalik na ito sa Pilipinas. Isang bagay na nagpalito na naman sa puso niya.
Nagpatuloy rin ang pagtawag-tawag ng anonymous caller ni Yessa kahit nasa Amerika siya. Inaaliw siya nito sa kanilang mga kuwentuhan. Nagkakapalitan na sila ng mga opinyon, paniniwala at mga bagay na pinahahalagahan. Hindi niya kilala kung sino ito sa kanyang mga kaibigan, kung ano ang background nito at kung ano ang hitsura. Ngunit masasabi niya na kilala na niya ang kalooban nito, ang mga iniisip at nilalaman ng puso. At pinananabikan niya ang kanilang mga pag-uusap.
Nang makabalik sa Pilipinas, hindi na niya makapa sa sistema niya si Alvin. Naka-move on na siya rito. Ngunit tulad noong bago siya umalis patungo sa Amerika, matabang pa rin ang pakikitungo niya sa kanyang Lolo Herman.
“Ang akala ko talaga, malabo na kaming magkita uli,” sagot sa kanya ni Andrea. “Mabuti na lang, nagbunga ang pagre-research ni Dondi sa internet. Siya ang kumontak kay Quin sa States.”
Napangiti siya nang may maalala. “Kaya pala no'ng minsan na tawagan ko ang isang 'yon, ang sabi sa akin busy daw siya sa nire-research niya. Inasar ko pa nga siya. Aba, tinarayan ba naman ako. Kung alam ko lang daw kung ano ang nire-research niya, tiyak na matutuwa ako. Baka ipagpatayo ko pa daw siya ng monumento. Siguro, ang paghahanap kay Quin ang inaasikaso niya noon.”
“Oo, tama ka,” sabi naman nito habang nilalaro ng mga daliri ang suot nitong diamond engagement ring. Ang mga mata nito ay makikipagpaligsahan ng ningning at kinang sa singsing. Bakas ang kaligayahan sa mukha ni Andrea. “Malaki talaga ang utang-na-loob namin ni Quin kay Dondi. Mabuti na lang, maparaan ang isang 'yon. Nagawa niya na kontakin si Quin thru internet.”
“Kumusta naman si Salvador?” tukoy niya sa ex-husband nito. “May balita ka pa ba sa kanya?”
“Oo. One time nga, may nagpuntang babae sa bahay. Nagtatanong siya ng mga bagay tungkol kay Salvador. May gusto 'yong babae sa kanya. Sana lang, hindi nadala si Salvador sa nangyari sa amin. Sana bigyan pa niya ng pagkakataon ang sarili niya para lumigaya.”
“Andrea, dati ba...” Medyo nag-alangan siya na ituloy ang tanong.
Ito na ang humikayat na tapusin niya ang pagtatanong. Inihinto muna nito ang pagsubo ng liha ng lanzones na kinakain nito. Hinainan niya ito ng isang bowl na lanzones-Laguna. “Dati ano?”
“Well, naisip ko lang, kahit papaano ba, minahal mo rin si Salvador?”
Naging reflective ang mga mata ng kaibigan niya. “Natutuhan kong choice din pala ang pagmamahal. Oo, masasabi kong minahal ko rin noon si Salvador. Pinili ko na mahalin siya dahil asawa ko na siya noon. Pero siyempre, sa bandang huli, panalo pa rin ang pagmamahal na mas matimbang sa puso mo.”
“At mas matimbang sa puso mo si Quin.”
“Right. Mabuti na lang, pagkatapos ng mahabang pagtitiis namin, naging kami rin bandang huli. Ikaw ba, hindi mo pa rin napapalitan sa puso mo si Alvin?”
“I’m not seeing anyone right now.”
“Mahal mo pa rin siya?”
“Hindi na. Naka-recover na ako sa kanya.”
“Eh, bakit loveless ka pa rin hanggang ngayon?”
Isang mahabang buntong-hininga ang isinagot niya rito.
Napatuwid si Andrea sa pagkakaupo. “Meron kang hindi sinasabi sa akin, Yessa Noriega. What is it?”
“Tell me, Andrea, posible ba na sabay mong mahalin ang dalawang magkaibang lalaki?”
Pumalatak ito. “Problema nga 'yan. So, tell me all about it.”
“May close friend ako na lately mas nagiging close pa sa akin. I mean, nang mawala si Alvin, siya ang tumulong sa akin para maka-recover sa heartbreak ko. Naging extra sweet siya sa akin kaysa dati. Hanggang sa maramdaman ko na lang na nagkakagusto na ako sa kanya.”
“MU na kayo?”
Umiling siya. “I never encouraged him. Hindi ko maipakita sa kanya ang feelings ko.”
“Bakit?”
“Because of the other guy. Andrea, natatandaan mo ba 'yong anonymous caller ko noong nag-aaral pa tayo?”
“'Yong nagsasabing friend mo raw siya? Ang tagal na n’on, ah. Hanggang ngayon pala, nakikipag-phone pal pa rin siya sa 'yo?”
“Oo. Madalas niya akong tawagan kahit noong nasa States pa ako.”
“Kilala mo na kung sino siya?”
“Sinabi lang niya kung ano ang pangalan niya, ‘Riel’ daw. Pero wala akong kilalang ganoong pangalan sa mga kaibigan ko. Gumagamit lang siya ng alias sa palagay ko. Pero hindi naman 'yon ang problema.”
“I got it. May feelings ka rin doon sa anonymous caller mo, right?”
Malungkot na tiningnan niya ito. “Abnormal ba na magkagusto ako sa isang lalaki na hindi ko naman nakikita at hindi ko alam kung ano ang hitsura?”
“Of course not. He cares for you, too, tama ba ako?”
“Hindi niya direktang sinasabi pero 'yong mga pag-aalala niya, 'yong thoughtfulness niya, 'yong mga ginagawa niya sa akin, lahat, nagpapakitang mahal niya ako. Kahit noong sinusungitan ko pa siya, hindi niya ako pinapatulan. He’d been a perfect gentleman, at least sa mga pag-uusap namin.
“Alam mo bang pinadalhan niya ako ng maraming balloons noong katatapos pa lang ng breakup namin ni Alvin? Gusto lang daw niyang malibang ako. Magmula noon, kung anu-ano na ang ipinadadala niya sa akin. Kahit noong nasa States ako, one time, nagpadala siya ng isang malaking bouquet ng gardenia.”
“Sinabi mo sa kanya na favorite flower mo 'yon?”
“Hindi. But he knew. Kahapon nga, pinadalhan niya ako ng isang kaing na lanzones-Laguna.”
“Ito na ba 'yon?” tanong nito na ang tinutukoy ay ang kinakain nila.
“Oo, kasama nga 'yan doon sa isang kaing. Tulad noong mga naunang ipinadala niya sa akin, hindi ko rin ma-trace 'yan kung ano ang pangalan ng nagpadala. Iba’t ibang alias ang ginagamit niya sa mga forwarders para hindi ko siya makilala.”
“Pero mahal mo siya at mahal mo rin 'yong friend mong isa?”
“Gano’n na nga.”
“Huhulaan ko, si Sev ang friend na 'yon, tama ba?”
“Siya nga,” pag-amin niya sa unang pagkakataon.
“Mahirap nga 'yan. Sino’ng matimbang sa 'yo roon sa dalawa?”
“Hindi ko alam kung paano ko susukatin ang damdamin ko sa kanila. Gusto ko si Sev. Kinikilig pa rin ako hanggang ngayon kapag nagpapahaging siya o kahit hinahawakan lang niya ang kamay ko. It’s undeniable there’s some chemistry between us. It is physical but I could feel it is more than that. Gusto ko ang hint na ipinakikita ng mga kilos niya kapag kaharap ko siya at nag-uusap kami. Kung minsan nga, basta na lang siya hahalik sa pisngi ko o bigla na lang niya akong niyayakap na parang hindi lang niya matiis na hindi gawin 'yon sa akin. Malinaw na attracted siya sa akin kung ang mga iyon ang pagbabasehan ko.
“On the other hand, gusto ko rin ang mga sinasabi sa akin ni Riel. He’s so sweet. Nagko-complement kami sa maraming bagay at compatible naman kami sa iba pa. I love his thoughts. I love his heart. I love the way we understand each other’s feelings and opinions. I love every bit of time I spend talking with him.”
“In short, mahal ng katawan mo si Sev at mahal naman ng isip mo si Riel,” pagsusuma ni Andrea.
“Oo... kung posible nga 'yon.” Nangalumbaba siya sa harap nito. “Ano’ng gagawin ko, Andrea?”
“Girl, you’re in big trouble.”
“'YOU HAVE your mug of chocolate with you?” tanong kay Yessa ni Riel nang sabihin niya na nakaupo na siya sa pasamano ng deck nila.
Ito ang nagturo sa kanya ng masarap na timpla ng tsokolate. Isang kutsaritang Hershey’s cocoa na hahaluin sa isang kapat na mug ng mainit na tubig at tatlong kutsarang condensed milk. Kapag nahalo na iyon nang mabuti ay saka pa lang dapat dagdagan ng mainit na tubig at muling hahaluin. Unang higop pa lang niya pagkatapos ituro iyon ni Riel sa kanya ay nagustuhan na niya. Kaya nga ipinagpalit niya roon ang nakasanayan niyang kape tuwing umaga.
“I have it with me,” sagot niya sa cellphone. Nang nagdaang araw sinabi nito na masarap uminom ng mainit na tsokolate habang nakabantay sa pagsikat ng araw sa umaga. Nagmungkahi pa ito na gawin nila iyon nang sabay. May munting saya na humaplos sa puso niya nang marinig ang suhestiyon. Hindi nga sila nito nagkikita pero ang idea na gagawin nila nang sabay ang isang bagay ay may thrill para sa kanya.
Ngayon nga narito siya sa pasamano ng deck, nakalawit ang kanyang mga paa at nakatingin sa silangan na noon ay nagsisimula nang mamula. “Where are you?” tanong niya rito. “Hawak mo na rin ba ang tsokolate mo?”
“Oo, Yessa. Nakaupo na ako rito sa lounge chair sa poolside. Did you hear that?”
Natawa siya. “Alin, 'yong huni ng kuliglig sa background mo?”
“Dinig mo rin pala,” anitong natawa na rin. “At mukhang gising na rin ang lovebirds sa tabi mo.”
Napasulyap siya sa cage na naroon din sa deck. Tama nga si Riel, humuhuni na ang tatlong pares ng lovebirds. Regalo ang mga iyon ni Alvin sa kanya noong nakaraang birthday niya. Paano nalaman nito na may lovebirds sa deck nila? Ibig lang sabihin niyon nagpupunta rin ito sa bahay nila. Pero sino nga kaya ito sa mga kaibigan niya?
“Aw!”
Kamuntik nang malaglag ang cellphone na nasa kandungan niya. Naka-headset siya para hindi siya mangawit dahil palaging nagtatagal ang pag-uusap nila ni Riel. “What happened?”
“Napaso ang dila ko.”
Natawa na naman siya. “Come closer, I’ll take your scald away with a kiss,” pagbibiro tuloy niya.
Dinig niya ang pagsagap nito ng hininga. “Very tempting... I’ll suffer the scald just to taste your chocolatey kiss.”
“I’ll remember that when we get to meet.” Kailan pa kaya 'yon, Riel?
“Hey, nakikita mo na ba kung gaano kaganda ang silangan?”
Ibinalik niya ang atensiyon sa silangan. Sandaling nakalimutan niya ang purpose ng ginagawa nila dahil sa pagkapaso nito. “Oo... At ang cloud formations, ang gaganda! Ang ganda-ganda ng kulay, Riel.”
“I always think about you whenever I see the predawn light, Yessa... You’re as fresh and as beautiful it makes me melt in awe inside.”
“Oh, Riel...” Nasasabik na siyang makita ito. Nasasabik na siyang gawin nila nang magkasama ang ginagawa nila ngayon. “I’ll never forget this experience. Thank you for sharing it with me kahit wala ka sa tabi ko ngayon.”
PINILIT lang ni Yessa ang sarili na lumabas ng kanilang departamento upang magtungo sa private office ng Lolo Herman niya. Ipinatatawag daw siya ng matanda, ayon sa sekretarya nito.
Sa nagdaang walong buwan ay nabawasan na ang tampo niya sa kanyang abuelo. Ngunit hindi pa tuluyang nawawala iyon.
Kumatok siya at pumasok na sa opisina ng lolo niya. Nadatnan niyang nakatayo ito at nakasandal sa malaking office desk nito.
“Have a seat,” anitong itinuro ang leather couch na nasa isang panig ng private office nito.
Walang imik na naupo siya roon. Tinabihan naman siya nito, isang bagay na ikinapanibago nito. Hindi nito ginagawa ang ganoon dati. Kahit sino ang kausap ng lolo niya ay palagi itong nakaupo lang sa swivel chair nito na para bang tahimik na ipinaaalala nito sa kaharap kung ano ang posisyon nito roon.
“Beginning next month, ililipat ko na si Pat sa Assembly,” panimula nito. Ang Pat na tinutukoy nito ay ang head nila sa planning and production control. “Ikaw na ang ipapalit ko sa kanya sa PPC.”
Ikinagulat niya iyon. Kapag nangyari ang sinasabi ng kanyang lolo, tatlong baitang ng posisyon ang aakyatan niya. Bagay na hindi pa kailanman nangyari sa buong kompanya.
“He will train you before you assume the position. Sa palagay ko naman, hindi ka mahihirapang mag-adjust. Matagal ka na sa departamentong 'yon.”
“What’s the catch, Lolo?” hindi niya naiwasang maging sarkastiko.
Kumunot ang noo nito. “What catch are you talking about?”
“Simple. Alam ninyo na gusto kong umangat ang posisyon noon pa. Gusto kong matutuhan ang ins and outs ng kompanyang ito dahil sinasabi ninyong balang-araw ay ako ang magmamana nito. Pero ayaw ninyo dahil pareho kayo ng paniniwala ni Daddy na ang isang babaeng katulad ko ay dapat na maging tagapangalaga lang ng pamilya. Bakit biglang-bigla, binibigyan ninyo ako ng posisyon sa kompanyang ito? Ano ang motibo ninyo?”
Napailing ito, saka tumayo. Tinalikuran siya nito at nagtungo sa floor-to-ceiling na salamin na nagpapakita ng magandang view ng mga nagtataasang gusali sa likuran. Hinawi nito ang blinds doon. “Bakit ba pinipilit mo na lumayo sa akin, Yessa? Mahal kita. Ikaw lang ang nag-iisa kong apo. Balang-araw, sa 'yo mapupunta ang lahat ng kayamanan ko. Lahat ng ginagawa ko ay para sa ikabubuti mo. Kung napanghimasukan ko man ang buhay mo noon, it was all for your own benefit.”
“Inaamin na ninyong kayo ang dahilan kung bakit biglang umalis noon si Alvin?” naghahamong tanong niya rito.
“Of course not,” sagot nito nang bumaling uli sa kanya, lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo. “Bakit ba ayaw mong maniwala na hindi ako ang dahilan ng biglang pag-alis niya rito?”
Disimuladong napabuga siya ng hangin. Nagsisimula na naman silang magtalo. Ayaw na sana niyang mangyari iyon. Nakakapagod na. Hindi nga lang maalis sa kanya ang pagdududa rito. At ayaw talaga niyang manduhan nito pati ang personal na buhay niya.
“Anyway, mabuti rin naman na wala na siya rito. Hindi siya ang nararapat sa 'yo.”
“Dahil ba mahirap lang siya, Lolo?”
“I knew you’re bent to believe the worst in me. Kaya hindi mo rin ako paniniwalaan kahit sabihin ko sa 'yo na hindi ang katayuan sa buhay ang dahilan kaya hindi ko gusto noon ang lalaking 'yon para sa 'yo.”
“Mabait si Alvin,” pagtatanggol niya sa kanyang dating nobyo kahit matagal na silang tapos nito. “Mas kilala ko siya kaysa sa pagkakakilala ninyo sa kanya.”
“Kaya pala iniwan ka niya kapalit ng isang magandang oportunidad sa ibang bansa.”
“Hindi 'yon ang dahilan niya kaya siya umalis,” pagmamatigas pa rin niya. Pinigilan niya ang sarili na sumbatan na naman ito. Magpapaikut-ikot na naman silang maglolo.
“Hindi na tayo magtatalo tungkol diyan. Wala na rin namang silbi. Nakaraan na ang lahat.” Bumalik ito sa tabi niya. “Yessa, makinig ka sa sasabihin ko. I want you to consider it first before you say anything...”
Kinabahan siya. Magdurusa na naman ba siya sa kung anong proposal na sasabihin nito? Lalo lang bang lalayo na naman ang loob niya rito?
“I want to talk to you about your friend.”
“My f-friend?” Napigil niya ang hininga. Si Riel ba ang tinutukoy nito? May kinalaman ba ito sa anonymous caller niya?
“Your friend Sev.”
Saka lang siya nakahinga. “What about him, Lolo?”
“Mabuting bata si Sev. Nasubaybayan ko ang paglaki niya. He is a good man. Alam kong kahit ikaw sasang-ayon sa akin sa bagay na iyon. He’s like a son to me. Maraming beses din na pinakikinggan niya ang mga payo ko. I know it won’t hurt if you’ll just let yourself get close to him. I mean closer, learn to like him more. Tutal, magkaibigan naman talaga kayo.
“Ang gusto ko sanang mangyari, paibigin mo si Sev. Siya ang gusto kong mapangasawa mo.”
Now, there’s the catch.
.....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro