1. The Voice
http://www.phr.com.ph/
https://www.preciousshop.com.ph/home/
http://www.booklat.com.ph/
Nagre-review si Yessa sa ibabaw ng mesa nang lapitan siya ng maid at iabot sa kanya ang cordless phone. Nasa deck siya noon. Tahimik sa lugar na iyon kaya doon niya naisip na mag-review. Semifinals na nila sa makalawa at magiging kompiyansa lang siya sa pagkuha ng exam kapag nabalikan niyang lahat ng napag-aralan nila.
“Sino raw?” tanong niya sa kasambahay.
“Lalaki,” anito. “Hindi ko naitanong kung sino siya.”
Idinikit niya sa tainga ang telepono. “Hello?” Walang sumagot sa kabilang linya. “Hello?” ulit niya.
“Yessa...”
Kamuntik na niyang mabitiwan ang cordless phone. Biglang nanindig ang balahibo niya. Parang nanggagaling sa malalim na balon ang tinig ng caller. It was an eerie kind of voice. Parang tinig iyon ng isang multo mula sa isang horror movie.
Ngunit alam din niya na hindi naman ito maligno o multo. Gumagamit lang ito ng device na ikinakabit sa telepono upang mabago ang tinig na maririnig ng taong tinatawagan, tulad niya. Nang sa gayon ay hindi niya makikilala ito. Pero bakit nito kailangang itago sa kanya ang tunay na boses? “Sino ka?”
“Yessa, makinig ka sa sasabihin ko,” anito sa halip na sagutin ang tanong niya. “Right at this moment, pinagtataksilan ka ng boyfriend mo.”
“Sino ka?” ulit niya. “Bakit pati boyfriend ko, sinisiraan mo?”
“Hindi mo na kailangang malaman kung sino ako. Ayoko lang makita na patuloy kang niloloko ni Bryan. Look, kung gusto mong mapatunayan ang sinasabi ko, bakit hindi ka magpunta ngayon sa bahay ng babaeng kinalolokohan niya? Naroon siya kina Janine Rivera. Alam kong kilala mo siya at alam mo ang bahay nila.”
Kilala niya ang pangalan ng babaeng binanggit nito. Hindi naman sila close nito. Sa pagkakaalam niya ay hindi rin ito close kay Bryan. Paano magiging totoo ang sinasabi ng anonymous caller na ito?
Para makilala ng caller na ito ang boyfriend niya pati na ang babaeng allegedly ay kinahuhumalingan nito, malamang na malapit ang taong ito sa kanya o sa kanilang pamilya. Pero dapat ba niyang patulan ang sinabi nito? Malamang na prankster call lamang iyon, hindi niya dapat pag-aksayahan ng panahon.
“Yessa, totoo ang sinasabi ko sa 'yo. Wala akong makukuha kung biro lang ito. It wouldn’t do us any good.”
“Pero wala ka rin namang makukuha kahit totoo nga ang sinasabi mo. Nag-e-expect ka ba ng reward if ever na mapatunayan kong totoo nga ito?”
“No, of course I don’t.” Bumuntong-hininga ito. “But at least, hindi ka patuloy na mapagmumukhang tanga ng taksil mong boyfriend. Mas masakit 'yon kaysa kung habang maaga pa, malalaman mo na ang panloloko niya sa 'yo. Ayokong makita na nasasaktan ka, Yessa.”
“Pero bakit ayaw mong magpakilala sa akin?”
“There’s no need for that. Nalaman mo na ang dapat mong malaman. It’s up to you now if you’d want to do something about it. Well, I hope you do something about it. See for yourself if what I’m saying is true. 'Bye, Yessa.” Ibinaba na nito ang telepono sa kabilang linya.
Tiningnan kaagad niya ang nakakabit na caller ID sa telepono. “No number” lang ang nakalagay roon. Sino nga kaya sa mga kakilala niya ang anonymous caller na iyon?
Bumalik siya sa mesa upang ituloy ang pagre-review niya. Ngunit hindi na siya makapag-concentrate sa ginagawa. Bumaba siya sa servant’s quarter at tinawag ang driver nilang si Mang Efren. Pupuntahan niya ang bahay ni Janine.
Ipagwawalang-bahala na lang sana niya ang itinawag ng anonymous caller na iyon, ngunit hindi naman siya mapalagay. Kinukutuban siya ng hindi maganda.
Maid ang nagbukas sa kanya ng gate ng mga Rivera. Nginitian niya ito. “Good afternoon. Ate, nandiyan ba si Janine? May hihiramin kasi akong notes sa kanya.” Alibi lang niya iyon. Hindi niya kaklase si Janine. Third year pa lang ito samantalang fourth year na sila ni Bryan sa kolehiyo.
“Nasa pool siya,” sagot naman ng walang nalalamang kawaksi. “Ang mabuti pa siguro, puntahan mo na lang. Doon sa kanan, paglampas mo sa mga peacock palm na 'yan, matatanaw mo na ang swimming pool,” muwestra pa nito.
“Salamat.”
Pilit niyang pinakalma ang kumakabog nang dibdib niya. Hindi maganda kung mag-eeskandalo siya roon kung sakaling totoo ang itinawag sa kanya ng anonymous caller. Habang naglalakad siya sa malawak na bakuran ng mga Rivera ay nagdadasal siya na sana ay hindi totoo iyon.
Papaliko pa lang siya sa nakahanay na peacock palm ay natanaw na niya ang pool area. At parang sinaksak ang dibdib niya sa nakitang eksena sa poolside, sa ibabaw ng isa sa mga lounge chair doon. Dahil nakaupo roon si Bryan at nakasandal naman dito si Janine. Nakapulupot ang mga braso ng kanyang taksil na boyfriend sa babae at may kung anong ibinubulong sa tainga nito.
Kumulo ang dugo niya sa nakita. Dinig na dinig niya ang malanding tawa ni Janine sa kung anong ibinubulong dito ni Bryan. Pinataguktok niya sa pavement ang suwelas ng slip on na kanyang suot. Biglang napalingon ang dalawa sa gawi niya.
Hinintay lang niyang makita siya ng mga ito, makilala, at pagkatapos ay binirahan na niya ng talikod. Malalaki ang hakbang na nagmartsa siyang pabalik sa gate na pinasukan niya.
“Tayo na, Mang Efren,” utos niya sa driver kahit hindi pa siya nakakapasok sa loob ng kotse. Gigil na gigil siya. Galit na galit. How dare him! How dare him to cheat on me like that!
“Ano ba ang nangyari at para kang may susuguring giyera, ha, Yessa?”
Hindi niya pinansin ang pag-uusisa ni Mang Efren. Iniwasan niyang mapatingin sa rearview mirror. Sigurado siyang hindi maipinta ang hitsura niya nang mga sandaling iyon.
Hindi mo dapat pag-aksayahan ng galit ang taksil na 'yon, Yessa, pangsa-psyche niya sa sarili habang tinatahak ng sasakyan ang daang pabalik sa bahay nila. Marami kang puwedeng ipalit sa two-timer na iyon!
Bakit nga ba siya mag-aaksaya ng emosyon at galit sa isang katulad ni Bryan? Marami pa namang mga lalaking handang halikan ang yayapakan niya mapansin lang niya.
Ngunit hindi pa man siya nakakababa ng sasakyan ay nabasa na ng luha ang magkabilang pisngi niya. Hindi madali sa kanyang tanggapin na ang first love niya ay hindi pala ang magiging last love niya.
“Bakit ka umiiyak, Yessa? Ano’ng nangyari?”
Hindi niya pinansin ang pagtatanong ng nakasalubong niyang si Yaya Mona. Inis na pinahid niya ang mga luha at nagtuloy kaagad siya sa kanyang silid.
“HUWAG mo naman akong ignore-in, Yessa. Allow me to explain my side,” parang maamong korderong sabi sa kanya ni Bryan kinabukasan. Nasa school na sila noon. Kasama niya ang mga kaibigan niyang sina Andrea at Dondi.
“May nagsasalita ba, Dondi?” baling niya sa gay friend niya. “Did you hear someone mumbling something?”
Nagkibit-balikat na lang si Dondi, sabay sa pagtataas ng isang kilay. Si Andrea naman ay palipat-lipat ang tingin sa kanya at kay Bryan. Hindi pa niya nasasabi rito ang bad news. Nalaman lang iyon ni Dondi dahil dinaanan siya nito kaninang umaga at sabay silang pumasok sa eskuwela.
“Yessa, please.” Hinawakan pa ni Bryan ang braso niya. Walang anumang ipinagpag niya iyon.
“You know what, Dondi, Andrea? Para akong natanggalan ng tinik sa dibdib ko. I feel so relieved now. I’m free to go wherever I want to go and have some fun. In fact, invited ako sa beach house nina Drew sa weekend,” aniyang ang tinutukoy ay ang isa sa mga manliligaw niya.
“Sabit naman kami riyan,” wika ni Andrea na sa palagay niya ay na-pick up na kung ano ang drama niya.
“Oo nga,” segunda naman ni Dondi. “Para naman magamit ko na 'yong kabibili kong swimsuit.”
Tinawanan niya ang mga ito nang pilyang tawa. “Istorbo lang kayo sa amin.”
Nabanas si Bryan sa hayagang pambabale-wala nila rito. Walang salitang basta na lang sila iniwan nito.
“'Tsura ng taksil na 'yan!” nakaismid na sabi niya. “Akala mo kung sinong guwapo kung umasta.”
“At hindi ko man lang ma-sense na totoong nagsisisi siya sa ginawa niya, ha,” sabi ni Dondi, sabay ismid. “Pero sa totoo lang, saksakan naman talaga siya ng guwapo. Kaya ka nga na-in love sa kanya, 'di ba?”
Hindi niya pinansin ang huling sinabi ng kanyang kaibigan.
Tinanghuran siya ni Andrea. “Ano ba talaga ang nangyari? Bakit mo ginagano’n si Bryan?”
Si Dondi na ang nag-ulit dito ng kuwento.
“Sino naman kaya ang anonymous caller na 'yon?” ani Andrea pagkatapos marinig ang eksaktong bersiyon ng nangyari.
“Wala talaga akong idea kung sino. Ang akala ko nga, isa sa inyong dalawa. Naisip ko na baka natatakot kayo na hindi ko kayo paniwalaan. Kaya naisip ninyo na itawag na lang iyon anonymously.”
“Naku, hinding-hindi namin gagawin 'yon ni Andrea,” nakataas ang isang kilay na sabi ni Dondi. “Kung alam namin ang tungkol doon, kakaladkarin ka namin sa bahay nina Janine.”
“Pero sino nga kaya ang caller na 'yon?” ulit na naman ni Andrea.
“Kung sino man siya, utang-na-loob ko sa kanya na nadiskubre ko ang kataksilan ng two-timer na si Bryan.”
“Hindi kaya secret admirer mo ang caller na 'yon?”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko na guguluhin pa ang sarili ko sa pag-iisip kung sino nga 'yon.”
“Paano kung tawagan ka na naman niya? Paano kung mag-demand siya na maging phone pals kayo? Ano’ng gagawin mo?”
Tinawanan lang niya si Dondi.
“Hindi na uso ngayon ang pakikipag-phone pal.”
Ngunit hindi na tumawag pa sa kanya ang anonymous caller. Hindi rin siya nahirapang kalimutan si Bryan. Ilang araw lang na ininda niya ang kataksilan nito at basta na lang nawala ang amor niya sa dating nobyo. Ang galit dito ang bumura ng pagmamahal niya rito.
Ilang ulit pang sinubukan nito na kausapin siya ngunit naging matigas siyang hindi pansinin ito. Gusto niyang sa ganoon man lang na paraan ay makaganti rito.
Nag-concentrate siya sa pag-aaral kahit ang gusto sana niyang gawin ay humanap kaagad ng kapalit ni Bryan. Nakapag-isip-isip din siya sa bandang huli. Hindi siya dapat maghinagpis sa dalawa at kalahating taon na naging magkasintahan sila. Ang mahalaga ay nalaman niya ang kataksilan nito at nahinto ang panloloko sa kanya.
Kaya lang ay nalungkot pa rin siya nang hindi maka-graduate si Bryan. Hindi ito pumasa sa isang major subject. Kahit papaano ay may pinagsamahan din sila. Kahit wala na sila at sa kabila ng kataksilan nito ay gusto pa rin niyang mapabuti ito.
Siya naman ay hindi makapaniwala na nagtapos siya na cum laude. Sa tuwa yata sa kanya ng kanyang mommy at daddy ay niregaluhan siya ng mga ito ng trip to Disneyland.
“I CAN’T believe na makakasama kita sa trip na ito,” natatawang sabi ni Yessa kay Sev, kaibigan ng pamilya nila. Bata pa siya ay permanent fixture na si Sev at ang pamilya nito sa buhay nila. Kapwa negosyante ang mga ama nila. Ang lolo naman niya at ang ama nito ay matalik na magkaibigan.
Dalawa lang silang magkapatid ng half brother niyang si Kuya Greg. Kaya lang ay wala itong tiyaga sa mga kababawan niya. Palibhasa ay malayo ang agwat ng mga edad nila. Anak ito ng daddy niya bago pa man nito makilala ang mommy niya. Isa pa ay malayo na ito sa piling nila ng mga magulang niya. May asawa na ito at anak at matagal nang nag-migrate sa Canada.
Si Sev ang masasabing mas parang kuya niya. Mabait kasi ito sa kanya at may mga pagkakataong tino-tolerate nito ang mga kapilyahan niya. At kahit alaga siyang buskahin nito ay malapit pa rin ang loob niya rito.
Pagnenegosyo ang iminulat kay Sev ng ama nitong si Tito Ricardo. Maagang natuklasan ang husay nito sa larangang iyon. Isang henyo ito ayon sa Lolo Herman niya. Ang bawat negosyong itinatayo nito ay parang magic na nagiging matagumpay kaagad.
Wala nga lamang itong tiyaga sa pagpapatakbo ng negosyo. Ang ama nito ang gumagawa niyon. Ayon kay Tito Ricardo, mas planner at troubleshooter daw si Sev kaysa isang manager. Basta nagkaproblema ang alinmang mga negosyo nito ay mabilis na nasosolusyunan nito iyon.
“Bakit naman?” nangingiti na ring tanong ni Sev. Marahil ay alam na nito ang dahilan kung bakit siya natatawa.
“Paano naman, ang tanda mo na at ilang beses ka nang nagpapabalik-balik ng California, not to mention na ang lapit lang naman daw ng Anaheim sa bahay n’yo, pero ngayon ka pa lang mapupunta ng Disneyland?” Ang mommy niya ang nag-imporma sa kanya na makakasabay niya si Sev sa pagpunta sa Disneyland. Iyon din daw ang pakay nito roon.
Natutuwa nga ang mommy niyang si Surina. Paano ay hindi na raw ito mag-aalala dahil nga hindi na siya mag-iisa. Hindi na rin siya magho-hotel dahil kina Sev siya tutuloy. May bahay ang mga ito sa Garden Grove, ang lugar na kadikit lamang ng Anaheim na siyang kinaroroonan ng Disneyland.
Ayaw naman kasi ng mommy niya na pag-isahin siya sa bahay ng lolo niya sa LA. Wala raw titingin sa kanya roon. At mas malapit ang Garden Grove sa Disneyland.
“Hindi naman kasi ako interesado sa Disneyland dati. May project lang akong kino-conceive na may malaking kinalaman sa Disneyland.”
“Sobrang yaman n’yo na, magdadagdag ka na naman ng investment?”
“Grabe ka naman. Huwag ka ngang maingay riyan, baka may makarinig sa 'yo at maniwala, ma-kidnap pa ako at hingan ng malaking ransom.”
Tiningnan niya ito. “Seryoso ka?”
Tumawa lang ito at pinisil ang pisngi niya.
Nang bumaba sila sa airport ay sinundo sila ng housekeeper ng mga Saavedra sa Garden Grove, si Tita Milsen, isang malayong kamag-anak nina Sev. Ito ang nangangalaga sa bahay ng mga ito. Ito rin ang nakatakdang mangalaga sa kanya sa buong panahon ng pananatili nila sa California.
“Ang akala ko pa naman, finally, nag-asawa ka na at dito ninyo naisipang mag-honeymoon,” turan ni Tita Milsen pagkatapos siyang ipakilala rito ni Sev.
“Tita Milsen, malayo pa sa bokabularyo ko ang pag-aasawa. Istorbo lang sa buhay 'yang mga babae,” sagot naman ni Sev na ikinasama ng mga tingin nila rito ni Tita Milsen.
“Istorbo?” aniya. “'Oy, kayo ngang mga lalaki ang asungot sa buhay naming mga babae. Kayo ang laging nananakit sa damdamin namin dahil karamihan sa inyo, unfaithful. Besides, ilang babae na ba ang naging girlfriend mo? Hindi ko na nga mabilang sa dami.”
“Oh, well, what have we got here?” natatawang sabi ni Tita Milsen habang palipat-lipat sa kanila ang mga mata nito. “Mukhang kilalang-kilala ka nitong si Yessa, Sev.”
“Tsismosa kasi 'yan, paanong hindi? Siya ang taga-research ng background ng mga chicks na pinopormahan ko sa 'Pinas.”
Hindi naman gaanong totoo iyon. Isang babae lang na na-link dito ang inalam niya noon ang background. Kung hindi siya nagkakamali ay fourth year high school pa lang siya noon.
Wala kasi siyang tiwala sa babaeng iyon na nagugustuhan nito. Kakaiba ang kutob niya. Pakiramdam niya ay gold digger ito. Kaya sa tulong ng lolo niya ay nagawa niyang kunin ang background ng babae. Na napag-alaman niyang first-class call girl pala.
Nagalit sa kanya noon si Sev. Pero okay lang sa kanya. Ang importante nagkasira ito at ang babaeng iyon.
Ang mga sumunod na na-link dito ay hindi na niya pinakialaman. Pasado lahat sa taste niya ang mga iyon. Kaya unti-unting bumalik ang closeness nila.
Mukhang naaliw sa kanila si Tita Milsen. Ikinasamid niya ang sumunod na sinabi nito. “Well, mabuti 'yan na binabantayan n’yo ang isa’t isa. Pakiramdam ko, compatible kayo. I think you’re right for each other.”
Tinapunan siya ni Sev ng masungit na tingin. “Kahit naman ganito lang ako, hindi ako cradle-snatcher. Uhugin pa 'yang si Yessa, Tita Milsen. At nakita mo naman kung gaano kagaganda ang mga naging girlfriends ko dito dati.”
“Bakit, pangit ba ako?” mataray na sumbat niya rito. Ang yabang ng lalaking ito. Hindi naman ito kaguwapuhan. Oo nga at sa tindig nito at taas at perpektong physique maraming babae ang nagkakagusto rito, pero sa tingin niya ordinaryo lang naman ang features nito. Maganda lang ngumiti ito kaya nagmumukhang guwapo. Sabi nga ng isang babaeng nagkagusto noon dito, napakalakas daw ng sex appeal ni Sev.
Tiningnan siya nito na tila nawi-weirdo-han sa kanya. “'Lagay palang 'yon, gusto mo na magandahan ako sa 'yo?”
“Antipatiko!”
Tawa nang tawa sa kanila si Tita Milsen. Nalipat na sa ibang paksa ang usapan nila nang banggitin nito na tawagan na niya ang mga magulang niya para ipaalam na ligtas silang nakarating doon.
Uhugin pala, ha. Humanda kang Sev ka. Kakainin mo ang mga sinabi mo.
....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro