Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

3. Getting To Know



“Ikaw pala si Reina,” ani Linus sa kanya nang ipakilala sila nina Kirk at Daphne. Nasa rehearsal na sila ng kasal. Dumating si Reina, pati na ang ibang mga abay, sa tamang oras. Medyo nahuli ito kaya hindi kaagad nasimulan ang rehearsal.

Kanina pa kumakabog ang dibdib niya sa pag-aasam. Ilang buwan na rin kasing hindi niya nakikita si Linus. At nadoble yata ang kabog ng dibdib niya nang muli silang magkita.

“Kumusta ka na?” sabi nito nang abutin ang kamay niya.

“M-mabuti.” Bukod sa mga mata niyang nakatuon sa guwapong mukha nito ay nakaalerto rin ang pandama niya sa malaki ngunit malambot na palad nito.

“No more tears?” mapanudyong sabi pa nito.

Natawa siya.

“Dati na ba kayong magkakilala?” tanong tuloy ni Kirk.

Maagap na sumagot si Linus. “Nakikita ko siya dati sa Agean.” 

Wala na silang panahon para ituloy pa ang kuwentuhan. Narinig nila ang boses ng wedding coordinator. Pinapipila na sila.

Para siyang nakalutang sa ulap nang sila na ni Linus ang nagmamartsa sa aisle. Nakalapat ang palad niya sa braso nito. Balat sa balat. Dahil ang suot nito ay simpleng T-shirt na maikli ang manggas.

“Nanlalamig ka...”

Napakagat-labi siya. Mabubuko na yata siya nito.

“Kanina pa nang mag-handshake tayo, malamig ang kamay mo.”

“Pasmado lang ang kamay ko,” palusot naman niya.

“Hindi naman pinagpapawisan, nanlalamig lang.”

“May phobia lang ako sa paglakad sa aisle.”

Nilingon siya nito. “Eh, bakit namumula ka imbes na mamutla?”

Mabuti na lang at narating na nila ang dulo ng aisle. Hindi na siya obligadong sagutin pa ito. Kailangan na nilang maghiwalay.

Kinabukasan, araw ng kasal. Ganoon pa rin ang panlalamig ng kamay ni Reina nang pumagitna na sila ni Linus sa aisle. Mabuti na lang at tahimik ito.

Mabilis din namang nawala ang nerbiyos niya dahil natuon na kay Daphne ang pansin niya.

Napakaganda ng kaibigan niya sa suot nitong wedding gown. Klasiko ang tabas niyon. Palibhasa solemn ang kasal na ginanap sa Manila Cathedral. Bakas ang kaligayahan sa mga mata ni Daphne. At si Kirk ay hindi na yata nawala ang ngiti sa mga labi.

Nang nasa reception na sila ay bumalik na naman ang kaba sa dibdib niya. Paano ay sila ni Kirk ang magkatabi sa presidential table. Imbes na katabi siya ng bride ay napunta siya sa gawi ng groom at best man.

“Saluhin mo ang bouquet, ha,” ani Linus sa kanya nang kumakain na sila.

“Bakit, s-sasaluhin mo ba ang garter?” Kahit medyo ninenerbiyos pa rnagawa na niyang magbiro.

“Gusto mo ba?”

Gusto nga niyang ito ang makasalo ng garter ngunit nunca na aminin niya iyon. “Maraming mas matatangkad pa sa 'yo. Sigurado na sila ang makakakuha ng garter.”

“Dare?”

Napangiti siya nang makita ang mapanudyong ngisi nito. “Dare.”

Nang tawagin na ng wedding coordinator ang mga lalaki upang saluhin ang tradisyunal na garter ay unang-unang pumagitna roon si Linus. At sa kanyang pagkaaliw, to nga ang nakasalo niyon.

“See?” nakangising sabi nito nang makabalik sa table nila.

Pinagalaw lang niya ang balikat bilang sagot. Silang mga dalaga na ang tinatawag ng wedding coordinator.

“Tumayo ka na,” untag sa kanya ni Linus. “Kung nahihiya ka, ihahatid pa kita.”

“Huwag na,” aniya, saka tumayo. Ngunit bago pa siya makapunta sa gitna ay nilapitan siya ni Charing Panganiban, ang mayordoma nina Kirk. “Puwede ka bang makausap?”

Nagtataka man ay tumango siya at sumama rito. Dinala siya nito sa isang panig ng bulwagan, sa lugar na walang gaanong nakakapansin sa kanila.

“Ano po ba’ng pag-uusapan natin?” tanong niya rito nang kapwa na sila nakaupo. Dati siya ang lapit nang lapit dito. Marami siyang tanong na hindi nito sinagot. Marami siyang kumpirmasyong hiningi rito noon na tinanggihan nito. Ano kaya ang dahilan at biglang-bigla ito pa ang lumapit sa kanya?

“Inuuna ko na ang paghingi ng tawad sa 'yo, Reina,” sabi nito kasunod ng pagbuntong-hininga.

Napukaw na nang husto ang kuryosidad niya. “Bakit po kayo humihingi ng tawad? Ano po ba ang kasalanan ninyo sa akin?”

“Totoo ang sinabi sa 'yo ni Marilen na ako ang nagbigay sa kanya ng isang sanggol na babae noon. Totoo rin na ibinigay kita sa kanya kapalit ng sampung libong piso.”

Nagkabikig siya sa narinig. Kahit inaasahan na niyang totoo iyon pagkatapos marinig noon ang salaysay sa kanya ng mommy niya, iba pa rin pala ang pakiramdam kapag narinig ang kumpirmasyon mula sa bibig mismo ng taong naging daan para siya mapunta sa nakilalang ina.

“Pero marami ka pang hindi alam tungkol sa iyong pagkatao.”

“A-ano pa po ba ang dapat kong malaman?”

“Ano ba ang pangalan ng ipinakilalang ama sa 'yo ni Marilen?”

“Delfin Martinez. Iyon ang pangalan ng daddy ko na sabi sa akin ni Mommy  namatay sa isang aksidente.”

“Hindi Martinez ang apelyido niya. Apelyido iyon ni Marilen. Ang tunay niyang pangalan ay Delfin Dimaunahan. At hindi pa siya patay. Buhay na buhay pa ang tunay mong ama.”

Napatuwid siya ng upo. “A-alam n’yo kung nasaan siya?”

INIHATID na lang ng tanaw ni Reina ang papalayong SUV van ni Linus. Nauna itong umalis sa kanya gaya ng iba pang mga abay. Kahit nga ang mag-asawang Kirk at Daphne ay pasakay na sa bridal car. Tutulak ang mga ito patungo sa Hong Kong upang doon mag-honeymoon.

Nang matapos silang mag-usap ni Aling Charing ay patapos na ang programa ng newlyweds. Ni hindi na niya napanood ang picture taking ng bride at groom kasama ang nakasalo ng bulaklak at ng nakasalo ng garter na si Linus.

Ayon kay Aling Charing ay kilala nito ang kanyang mga magulang. Sa Malabon daw nakatira ang mga ito kasama ng kanyang apat pang mga kapatid.

Nang malaman niyang buhay pa pala ang tunay na ama at ina niya ay parang nagdadalawang-isip naman siyang puntahan ang mga ito. Natatakot siyang baka sa halip na pagkasabik ay sumbat ang maibigay niya sa mga ito.

Isa pa, kailangan muna niyang ipaalam sa mommy niya ang mga ipinagtapat sa kanya ni Aling Charing.

Tinanong niya ang matanda kung bakit nito ipinagkaila sa kanya ang katotohanan noong puntahan niya ito sa bahay. Kabilin-bilinan daw kasi ng kanyang ama na huwag nang ipagtapat pa sa mommy niya o sa kanya ang tunay na pagkatao niya. At kung ano man ang dahilan nito ay hindi malinaw sa mga isinalaysay ni Aling Charing.

Sumapit na ang araw ng Lunes ay hindi pa rin niya naipagtatapat sa mommy niya ang mga nasabi sa kanya ni Aling Charing.

Pumasok siya sa opisina na may bahagyang lungkot sa dibdib. Sampung araw na hindi niya makakasama si Daphne. Sa Hong Kong mamamalagi ang mga ito sa loob ng mga panahong iyon.

“Kasama ni Boss 'yong bf dati ni Katrina, Reina,” sabi sa kanya ni Gina. Ibinalik na ito sa kanilang departamento. Sa pagkakaalam niya ay nobyo na nito ang dating manliligaw niya na si John. Palagi nang magkasama ang mga ito. “Si Sir Linus San Gabriel.”

Bakit kaya? Hinintay niya ang sasabihin pa ni Gina.

“Bawat department, pinuntahan nina Boss at Sir Linus. Ewan ko ba kung ano ang tinitingnan nila rito sa Agean.”

Nasagot ang mga tanong nila nang magpatawag ng meeting si Mr. Ocampo sa lahat ng department heads nila. Bukod sa meeting ay may memorandum pang ipinalabas. Nakasaad doon na may mahalagang aasikasuhin si Mr. Ocampo sa labas ng bansa. At pansamantala ay hahalili rito si Linus San Gabriel.

Tuwa at pag-asam ang naramdaman niya sa nalaman.

“IPINAPATAWAG ka ni Mr. San Gabriel, Reina,” anang department head niya isang araw. Marahil napag-utusan ito ni Linus. Katatapos lang ng meeting ng mga ito sa pansamantalang general manager. Iyon ang unang araw ni Linus sa kanilang opisina.

Pumitlag ang puso niya. “Bakit daw po, Ma’am?”

“Hindi naman sinabi sa akin. Kakilala mo ba siya?”

“Nagkakilala lang po kami sa wedding ni Daphne. Kaibigan ng asawa niya si Mr. San Gabriel.”

Tumango ito, saka siya iniwan.

Medyo bumilis ang tibok ng puso niya habang patungo siya sa private office na dating ginagamit ni Mr. Ocampo. Nang marating niya iyon ay isang nakangiting Linus ang nabungaran niya.

“Hello,” bati kaagad nito sa kanya, isinenyas ang sofa na malapit sa desk nito. “Kumusta ka na, Reina?”

“I’m good, Sir.”

Tumawa ito. “I’d still prefer to be called ‘Linus’ than ‘sir.’”

“Pero nandito tayo sa office at parang nakakailang sa iba pag marinig nila na  hindi ‘sir’ ang itatawag ko sa 'yo.”

“Don’t mind them. Hindi sila ang boss mo. Kung ikaw rin lang ang tatawag sa akin, mas gusto ko na tawagin mo akong ‘Linus.’ Clear?”

Napangiti siya. “All right, sinabi mo, eh.”

“Sa canteen ka rin ba kumakain?”

Medyo nalito siya sa pag-iiba ng kanilang usapan. “Oo.”

“May kasabay ka?”

“Mga ka-department ko.”

“Puwede bang ako na lang ang sabayan mo mamayang lunch?”

Ikatutuwa niya iyon ngunit hindi kaya pagsimulan siya ng tsismis sa kanila?

Lumawak pa ang ngiti nito. “I know what’s going on in your mind.”

“H-ha?”

“Kapag bigla kang humiwalay sa kanila sa pagkain at sa akin ka sumabay, siguradong pag-uusapan ka. 'Yon ang iniisip mo, 'di ba?”    

“Ahm, eh...”

“Kung hindi naman totoo ang ibibintang sa 'yo ng mga tao, would you mind it very much?”

“Hindi ka ba—?”

“Hindi. Bakit naman ako paaapekto sa isang bagay na hindi naman totoo?”

May katwiran nga naman ito. “S-sige, sa 'yo na lang ako sasabay mamayang lunch.”

“Good.”

Nang sumapit ang oras ng tanghalian, hindi niya malaman sa mga kasamahan kung paano sasabihin sa mga ito na hindi siya sasabay sa pagkain. Habang nag-aatubili siya ay biglang pumasok sa departamento nila si Linus.

Nilapitan siya nito. “Shall we?”

Medyo nakahinga siya. Hindi na niya kailangang masalang sa awkward na pagpapaalam. Tingin na lang ang nagawa niyang paalam sa mga kasamahan.

Napansin niya na hindi na siya gaanong kinakabahan sa harap ni Linus. Nasasanay na marahil siya sa pakikiharap dito. Ngunit iba pa rin ang dating sa kanya tuwing mapagmamasdan ang guwapong mukha nito.

“Sa lahat ng mga departments dito sa Agean, ano ang pinaka-efficient sa palagay mo?” pagbubukas ng paksa ni Linus nang kumakain na sila. Ang pinili pa nitong lugar sa kantina ay iyong pinakasulok. Para tuloy nararamdaman niya ang titig ng mga kasamahan niya sa kanyang likuran. Mabuti na lang at ito ang nakaharap sa mga iyon.

“Parang mahirap naman yatang sagutin ang tanong mo. Puwede ko ring sabihin na 'yong sa amin, 'di ba?”

Natawa ito. “When I say efficient, 'yong department na walang nagbubulakbol. 'Yong maganda ang output at nakapagde-deliver sila ng service on time.”

“Well, siguro 'yong sa Technical and Support Group sa assembly line dahil lagi silang nakabantay sa mga equipment at machines. Kaya mataas din ang efficiency rate ng assembly department.”

“Pero napansin ko last week nang ipasyal ako ni Matthew sa office nila, may mga tagaroon na natutulog.”

“Siguro ang nakita mo, eh, 'yong pang-graveyard shift. Ang iba kasi sa kanila, doon na nakikitulog kapag required silang mag-overtime. Allowed sa kanila ang fifteen-minute nap. Pinapayagan naman ng head nila dahil hindi puwede ang aantuk-antok kapag nagre-repair sila ng sirang machines.”

“Hindi namin napag-usapan 'yon ni Matthew.”

“Pero ang alam ko, matagal nang alam ni Mr. Ocampo ang practice na 'yon. Pinag-usapan nila 'yon ng head ng technical department.”

Napatango ito. “Mabuti na lang pala at ikaw muna ang kinausap ko. Ayoko rin kasi na may masasagasaan akong kalakaran dito kung hindi naman 'yon talagang nakakasama. Kaya nga hindi ako ang nagpapatakbo ng kompanya, wala akong gift sa pagma-manage. Hindi gaya ni Matthew.”

“Eh, ano’ng ginagawa mo dati?”

“Tumutulong din naman ako sa company pero laging sa planning lang ako. Ayoko kasing nakatali sa oras. Nagkataon lang na medyo matagal ang bakasyon ngayon ni Matthew kaya napilitan akong mag-substitute muna sa kanya.”

“May foreign blood ka ba?” naisip niyang itanong dito.

“Medyo. Ang lolo ko sa mother side, si Andreas Karamanlis ay isang pure Greek. Filipina ang napangasawa niya. Pure Pinoy naman si Lola. Ang mom ko, half Greek na lang. So ako, one fourth Greek at three fourths na Filipino. Tama ba ang fraction ko?” natatawang tanong nito.

“Gano’n na nga siguro 'yon,” natatawang tugon din niya. “Pero mas malakas ang dugo mo bilang Greek. Look at you, you’re Greek from every angle.”

“Pero Pinoy na Pinoy ang puso ko.”  

May ilang bagay pa silang napag-usapan tungkol sa kompanya. Pagkatapos ay lakas-loob na itinanong niya ang bagay na matagal na niyang gustong malaman mula rito. “Kumusta na si Katrina? Nagkakausap pa ba kayo?”

Parang biglang lumungkot ang ngiti nito. “Si Kat? Well, I greeted her on her birthday. Pero mula noon, hindi na kami nagkausap pa. Sobrang busy siya roon.”

Hindi man dapat ay nakadama siya ng tuwa sa sinabi nito. Break na nga siguro ang mga ito. Mayroon bang magnobyo na hindi nag-uusap samantalang lahat na ng means of communication ay available na sa panahong ito?

“YOU WANT to say something, I can tell,” tatawa-tawang sabi sa kanya ni Linus. Uwian na noon. Pinuntahan niya ang lalaki sa private office nito. Hindi naman niya masabi ang gusto niyang sabihin dito.

May tatlong linggo na itong pumapasok sa kompanya. Masasabi niyang close na sila. May mga naririnig na nga siyang tsismis na may namamagitan sa kanila noon pa mang unang linggo nito roon.

Nahihiya rin naman siya sa mga tao. Wala naman sigurong tao na nasa matinong pag-iisip ang gugustuhing maging sangkot sa tsismis, lalo na at wala namang katotohanan. Ngunit mas malakas ang udyok ng lihim na damdamin niya para kay Linus kaysa sa anupamang tsismis. Kaya minsan man hindi niya tinanggihan ang pagyayaya nito sa tanghalian o kahit simpleng kuwentuhan lang tuwing coffee break.     

“Ano kasi... ahm, nag-back out ang mommy ko sa papanoorin sana naming concert ng MYMP. May biglaan kasi siyang out-of-town trip, so...”

“So, gusto mo akong yayaing manood ng concert?”

“If you’re not busy on Friday night, yes.”

Gumalaw ang mga kilay nito at ngumiti. “Sure.”

Masayang-masaya siya nang umuwi nang hapong iyon. Iyon ang una nilang paglabas na dalawa kaya naman excited siya. Feeling niya ay date na ring matatawag iyon.

Sumapit ang Biyernes. Napagkasunduan nilang si Linus na lang ang dadaan sa kanila. Capri pants at sleeveless blouse ang suot niya. Simple lamang iyon ngunit tiniyak niya na magandang-maganda ang makeup at ayos ng buhok niya.

Sakay ng itim na Ford F150 ay pumarada sa harap ng bahay nila si Linus. Hindi niya alam kung may kasamang paghanga ang ngiti nito nang mapagbuksan niya ito ng pinto. Basta masaya siya na sila ang magkasama nang gabing iyon sa panonood ng concert.

Bago sila umalis ay naipakilala muna niya ito sa mommy niya at kay Lolo Roberto. Mukha namang nakagiliwan kaagad ito ng mommy niya. Ang kanyang lolo naman, tulad ng dati ay pormal lamang. Halos sabay din silang umalis ng mommy niya. Gabi ito bibiyahe patungong Bicol.

Eksaktong alas-otso nang makarating sila sa concert venue. Maluwag pa ang lugar. Kasalukuyan pang nagsisidatingan ang mga tao.

“Alam mo bang paborito ko ang MYMP?”

Napatingin siya kay Linus. “Really?”

“Oo. Kaya nga pumayag ako kaagad nang yayain mo ako. Actually, bibili rin sana ako ng ticket nila sa concert na ito. Wala nga lang akong makasama. Mabuti na lang, niyaya mo ako.”

Ngumiti siya nang ubod-tamis dito. “I’m glad.”

Ilang saglit na nakatingin lamang ito sa kanya na parang may nadiskubreng kung ano. Siya na ang unang nagbaling ng mukha. Magsisimula na ang konsiyerto.

Habang nanonood sila ay patingin-tingin siya kay Linus. Sa tingin niya ay talagang nag-e-enjoy ito. Kung minsan ay sinasabayan pa nito ang kanta bagaman mahina lang ang boses nito.

“We should do this again,” anito nang matapos na ang konsiyerto. Akay siya nito habang sumasabay sila sa paglabas ng mga tao.

Nilingon niya si Linus nang makalabas na sila. Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ito.

“Go out again, I mean. Nasa Subic Bay Yacht Club ako next weekend. I hate to go there alone, so... can you tag along?”

Hindi na nag-isip pa si Reina. Kahit siguro sa pinakapangit na lugar pa sila magpunta basta ito ang kasama niya ay papayag siya. “Sige.”

“That’s my girl,” anito, saka pinisil ang kaliwang pisngi niya.

Umaga na siya nakatulog nang makauwi sila. Baun-baon niya sa panaginip ang ginawang iyon ni Linus. She knew she should not take it to her heart too much. But she couldn’t help herself. Lahat marahil ng kilos at aktuwasyong magmumula kay Linus ukol sa kanya ay bibigyan niya ng magandang kahulugan.

Oh, God, how I wish he would fall in love with me.

..................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro