2. Tears
“I can’t believe na future sister-in-law mo pala ang Katrina Sandejas na 'yon,” sabi ni Reina kay Daphne. Dalawang araw nang naglilingkod si Katrina sa kanilang departamento bilang HRD assistant.
“One year na nga raw na naka-graduate ng college si Kat sabi ni Kirk. Pero ngayon lang daw nila napapayag na magtrabaho. Kinumbinsi lang daw ni Linus.”
“Sinong Linus?”
“'Yong boyfriend niya.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Daphne Rubio, alam mo naman pala ang pangalan ng lalaking 'yon, bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?”
“Eh, kahapon ko lang din nalaman kay Kirk na si Linus pala ang kumumbinsi kay Kat para magtrabaho. Hindi mo naman nabanggit sa akin na may bago kayong trainee. At lalong wala akong idea na ang lalaking pinagpapantasyahan mo at si Linus ay iisa.”
“And apparently, malakas kay Boss ang Linus na 'yon kaya natanggap ditong HR assistant si Katrina,” mabagal na sabi niya pagkaraan ng ilang patlang.
“Hindi lang malakas, Rein. He is the other boss. Silent partner pala ni Sir Matthew si Linus.
Lalo siyang nalungkot sa nalaman. Paano pa niya ipagpapatuloy ang kanyang kahibangan sa lalaking iyon kung bukod sa may girlfriend na ay boss pa pala niya ito?
“Friend,” untag ni Daphne sa pananahimik niya. “Ialis mo na ang focus mo kay Linus. Malalang kaso lang 'yan ng crush. Marami pang magagaling na lalaki riyan. Pansinin mo na lang si John para ma-divert naman sa kanya ang paningin mo. Malapit nang mag-isang taon na nanliligaw sa 'yo 'yong tao.”
Ang John na tinutukoy ni Daphne ay officemate din nila. Hindi ito pangit. Pangkaraniwan lang ang hitsura nito ngunit mahusay magdala ng damit. May kotse pa ito. Ngunit kung noong hindi pa niya nakikita si Linus ay ayaw na niya kay John, lalong ayaw niya rito ngayon.
“Hindi naman ang hitsura lang ng tao ang factor para magustuhan siya,” aniya kay Daphne.
“Eh, ano ba ang nagustuhan mo kaagad kay Linus kundi 'yong pagiging guwapo at macho niya? Hindi pa nga kayo nagkakakilala man lang.”
“'Yon na nga, eh, hindi ko pa siya kilala pero may naramdaman na agad ako sa kanya. Kung tutuusin, mas marami pa akong kakilala na mas guwapo sa kanya pero wala naman akong gusto at wala akong naramdaman sa kanila. Hindi ko alam kung anong factor 'yon but I call it the fate factor.”
Natawa ito. “'Ayan ka na naman sa mga kakaiba mong terminologies.”
“O, 'di ba, tadhana lang naman ang nagbibigay ng feelings na 'yon?”
“Oo na. Kaya lang, Rein, may girlfriend na nga si Linus.”
“Girlfriend pa lang naman, ah.”
“Rein!”
“Sige, alam ko naman, hati na ngayon ang loyalty mo. Kaibigan mo lang naman ako at si Katrina, future sister-in-law mo.”
“Tama ba namang manumbat? Ang ibig ko lang pong sabihin, hindi mo kailangang magpakabaliw sa isang lalaking committed na sa iba. Kahit pa nga gustung-gusto mo siya. Dahil kapag nagkataon, baka samantalahin lang niya ang feelings mo. Ikaw rin.”
“Yeah... hindi ako dapat magpakabaliw sa kanya,” sumusukong saad niya mayamaya. “Committed na siya kay Katrina. Hindi ko dapat kalimutan 'yon. Besides, walang guarantee na magugustuhan din ako ni Linus kung sakali. Ang ganda-ganda ni Katrina.”
“Maganda ka rin naman, mabait pa. Alam ko, may isang mabait at mabuting lalaki na para sa 'yo talaga. Baka nga nasa tabi-tabi lang siya. At kung hindi mo na bibigyan ng pansin si Linus, magpe-fade din 'yang crush mo sa kanya.”
Ngumiti lang siya rito. Parang kailan lang siya ang nagsesermon dito. Kunsabagay hindi pa naman niya napagdaanan ang depresyon na sinapit nito noong mga panahong wala itong komunikasyon kay Kirk.
Sana nga ay lumipas na lang ang kakaibang damdamin niya sa Linus na iyon.
NAIBALING ni Reina ang paningin niya nang salubungin ni Linus ang nasa unahan niyang si Katrina. Umakbay kaagad ito kay Katrina.
Parang kinurot na naman ang puso niya nang makitang ang taong hinahangaan niya ay iba ang binibigyan ng pansin. Hinayaan na lang niyang umagwat nang husto ang mga ito.
Uwian na nila nang mga oras na iyon. Hindi niya kasabay si Daphne dahil sinundo ito ni Kirk. May lakad ang dalawa.
Sa halip na tuluyang lumabas ay naupo pa siya sa leather bench na nasa lobby ng gusali. Nagpalipas siya roon ng tatlong minuto bago siya lumabas.
Tulad ng hula niya, nakaalis na sina Linus at Katrina. Hindi niya inaasahan na naroon pa pala sa labas si John. Kausap nito ang dating HR assistant na pinalitan ni Katrina, si Gina.
Magkasama na ang mga ito sa isang departamento. At sa masayang pag-uusap na nakikita niya sa mga ito, idagdag pa na may isang buwan nang hindi dumadalaw sa kanila si John, marahil nabaling na kay Gina ang pansin nito.
Nakadama siya ng panghihinayang. Okay naman kasi si John. Iilan na lang siguro ang mga lalaking kasimbait at kasimbuti ng karakter nito.
Ngunit kasabay niyon ay natutuwa na rin siya dahil mabait din naman si Gina. Masipag ito at mahusay ring makisama.
Ilang saglit pa at ang boss naman niyang si Mr. Ocampo ang lumabas ng gusali. Kasabay ng boss niya ang anak nito na marahil ay sampung taon na. Dumating ito sa opisina nila nang ihatid ang bata ng lola nito. Umalis din kaagad ang matanda.
Ngumiti sa kanya ang bata at kumaway pa nang ngitian niya ito. Tumingin lang sa kanya ang kanyang amo. Gaya ng dati, blangko na naman ang ekspresyon nito.
Nang makaalis na ang mga ito nakadama na naman si Reina ng kakaibang lungkot. Parang bigla siyang nakaramdam ng habag sa sarili. Wala naman siyang nadaramang inggit na bawat kakilala niyang lumabas ng gusaling iyon ay may kanya-kanyang kasama. Ngunit pakiramdam niya ay nag-iisa siya. At hindi rin naman siya dating nagsesenti nang ganoon. Kung bakit ngayon ay parang sobra ang lungkot na sumasapuso niya.
Uuwi na naman siya sa kanila. Haharap na naman siya sa Lolo Roberto niya. Nitong mga huling araw, tuwing makikita niya ang matanda ay pirming nakaismid ito sa kanya. Nagsimula iyon nang ibili siya ng kotse ng mommy niya.
Sa kabila ng pagtanggi niya, isang araw ay may nag-deliver ng isang puting Toyota Altis sa bahay nila. Wala na siyang nagawa kundi magpasalamat sa mommy niya at gamitin ang kotse.
Kaya lately ay nakakarinig na naman siya ng parunggit mula kay Lolo Roberto.
Nag-init ang sulok ng mga mata niya. Sa halip na magtungo sa parking lot ay naupo muna siya sa bench na nagsisilbing waiting shed nilang mga empleyado. Hinayaan niyang pumatak ang mga luha niya. Tutal ay wala nang tao kaya doon muna siya. Baka sakaling kapag nailabas na niya ang mga luhang naipon sa dibdib niya ay gumaan na ang kanyang pakiramdam.
May sampung minuto na marahil siya na tahimik na umiiyak nang maramdaman niyang may tumabi sa kanya.
Hindi niya nilingon ito. Mabilis niyang pinunasan ng palad ang basang pisngi niya. Sinikap niyang huwag kumawala ang hikbi niya.
“Kung gusto mo pang umiyak, umiyak ka lang. Don’t mind me.”
Napabaling siya rito. Parang umakyat lahat ng dugo niya sa mukha nang makilala ito—si Linus. Ano ang ginagawa nito roon?
“Bakit mo pipigilan ang sarili mo sa nararamdaman mo?” dagdag pa nito. “Hindi naman masamang umiyak. Hindi naman kaduwagan o kahinaan na umiyak ang isang tao. In fact, tingin ko nga, katapangan 'yon.” Nilingon siya nito at sympathetic na ngumiti.
“B-bakit mo sinasabi sa akin ito?”
“Dahil di-hamak na mas matapang ka kaysa sa 'kin. Tulad mo, gusto ko ding umiyak ngayon. Pero hindi kaya ng pride ko bilang isang lalaki.”
Love life din ba ang problema nito? Imposible. “I-I saw you leave a while ago...”
Tumango lang ito, tumayo. Laglag ang mga balikat na humakbang ito palayo.
Wala siyang nagawa kundi tanawin ang papaliit na bulto nito habang palayo.
Mayamaya ay tumayo na rin siya. Napawi na ang bigat sa dibdib niya. Hindi niya alam kung ano ang nangyari dahil sa saglit na tinabihan siya roon ni Linus ay gumaan na ang pakiramdam niya. Namukhaan ba siya nito? Natandaan ba ni Linus na kaopisina siya ng nobya nito? Bakit bumalik ito roon nang hindi na kasama si Katrina?
Itinaboy muna niya sa isip si Katrina. May tuwa sa puso niya na kahit hindi sila magkakilala ay nilapitan at kinausap siya ni Linus.
Nasagot ang pagtataka niya kinabukasan. Nalaman niyang nag-file ng irrevocable resignation si Katrina Sandejas. Bigla raw nagdesisyon ito na mag-aral uli sa Paris. Narinig niya na Theater and Arts ang kukuning kurso nito. At kaya nasabi sa kanya ni Linus nang nakaraang araw na tulad niya ay gusto rin nitong umiyak, nag-away pala ang mga ito.
Ayon sa mga nakalap na impormasyon ng kaibigan niyang si Daphne nang mga sumunod pang araw, biglaan daw ang desisyon ni Katrina. Tinutulan iyon ni Linus ngunit itinuloy pa rin ng babae ang gusto. Umalis daw ito nang hindi pa rin naaayos ang away nito at ni Linus.
Sa palagay niya hindi pumayag si Linus na sa Paris pa mag-aral si Katrina. Ngunit naigiit din ng babae ang gusto nito.
Magmula noon ay hindi na niya nakita si Linus. Ngunit sa kabila niyon, sa pagdaan ng mga araw at buwan, hindi man lang nagbago ang damdamin niya para dito.
“IT’S OFFICIAL, Reina. Last Saturday morning next month ang kasal namin ni Kirk,” masayang balita sa kanya ni Daphne pagkaraan ng maraming buwan mula nang maging mag-on ito at si Kirk.
“Really?” excited na tanong niya habang nanlalaki ang mga mata. Batid niya kung gaano pinananabikan ng kaibigan ang araw ng kasal nito.
“Oo. Namanhikan na sina Kirk sa 'min kagabi.”
Nayakap niya ito. “I’m so happy for you.”
“Thanks,” napakaluwang ng ngiting sabi ni Daphne. Pati mga mata nito ay nakangiti rin sa sobrang ligaya. “Siyempre, ikaw ang maid of honor ko.”
“At sino pa ba dapat?” tumatawang sang-ayon niya.
“Naku, alam mo ba, nagprisintang abay sa akin si Katrina. Akala ko nga, mapupunta ka sa secondary sponsor. Siyempre, mahihirapan akong tumanggi sa kanya kung nagkataon. Kapatid siya ni Kirk.”
“Uuwi ba siya?” Naitanong lang niya iyon dahil kung nasa paligid lang si Katrina, malamang na makita na naman uli niya si Linus. Kahit masaktan siguro siya, ang mahalaga ay makikita uli niya ito na hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi mawala sa isip niya.
“Hindi. Ilang buwan na siyang pumapasok sa school. Matagal pa naman ang bakasyon nila. 'Nga pala, Rein, si Linus ang partner mo.”
Biglang bumilis ang tibok ng puso niya sa nalaman.
..................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro