Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

When Miss Mysterious Undresses

3

“AYOKONG MA-TRACE ni Monina na tumatanggap ako sa iyo ng pera.”
Iniliyad pa ni Ark ang sarili para mas marinig pa ang pag-uusap nina Nollet at ng isang babae na marahil ay mas matanda rito. Nakatalikod siya sa dalawa pero malapit ang sofa na unuupuan niya sa inuupuan ng mga ito. Naroon siya sa Shangri-La Plaza. Gaya ng ginagawa niya nitong mga huling araw, sinundan na naman niya si Nollet.
“Pero Rida, mas magiging convenient sa inyo ng anak mo kung mag-o-open ka ng account. Kahit ATM account,” dinig niya na sagot ni Nollet. “Para dedeposituhan ko na lang ‘yon ng pera kada buwan. Mas less ang chance na malaman ni Monina na nagkikita tayo at tumatanggap ka sa akin ng pera.”
“Hindi,” pagtutol ng babae. “Mas gusto ko na ang ganito. Aabutan mo na lang ako ng cash para sa pangangailangan namin ni EJ. Makita man ni Monina na magkasama tayo, hindi niya iisipin na kumukuha ako sa iyo ng sustento. Kung susundin ko ang sinasabi mo, puwede niyang ma-trace ang account ko. Alam mo naman ang isang ‘yon, maraming koneksiyon. Ayoko nang maulit ang panggugulo niya sa akin noon. Ayoko na ng magulong buhay. Tutal naman patay na si Enrique. Pare-pareho na lang sana tayong manahimik.”
Kuha na ni Ark. At natuwa siya sa narinig. Hindi pala si Nollet ang karelasyon ng lalaking nakalibing sa musoleo kungdi ang kausap nitong babae.
“Pero paano na si EJ? May karapatan din-”
“Alam ko,” agaw ng babae sa sinasabi ni Nollet. “Pero hindi sa ngayon. Hindi pa. Pero maraming salamat sa mga tulong mo. Kahit hindi mo katungkulan na tulungan kami ng anak ko, tinutulungan mo kami.”
“Dapat lang naman na tulungan ko kayo. Kung nabuksan lang noon ang isip ni Enrique tungkol kay EJ, sana higit pa dito ang natatanggap ninyong mag-ina.”
“Kasalanan ko rin naman kasi. Pasalamat na lang ako na malawak ang pag-iisip mo tungkol sa mga nangyari. ” May pait sa tinig ng babae. “Anyway, maraming salamat ulit dito. Ite-text na lang kita ulit kung saan tayo magkikita sa susunod.”
Hindi makakilos si Ark sa kinauupuan nang maramdaman niya na tumayo na mula sa sofa ang dalawang babae. Kahit na kaya niyang lusutan kay Nollet sakaling makita nito na naroon siya at nakikinig sa mga ito, nag-aalala pa rin siya. Ayaw na niyang madagdagan ang ikaka-bad trip ng babae sa kanya.
Nakahinga siya nang lumakad nang palayo ang mga ito palabas ng mall.
Tumayo na rin si Ark para muling sundan si Nollet. Habang nagtatagal, lalo siyang nagiging interesado sa babae.    
Inayos niya ang suot na shades habang papalabas ng hotel patungo sa kinapaparadahan ng kanyang kotse. May pagmamadali pero maingat ang kilos niya. Ayaw niyang maramdaman ni Nollet na sinusundan niya ito. Hindi niya inihihiwalay ang tingin sa black BMW convertible na sinasakyan ni Nollet. Ngunit bago pa man sila makalabas ng parking area ay binilisan ng babae ang pagpapatakbo. At pagkatapos ay ibinalagbag nito ang kotse sa daraanan niya.
Maagap na nakapagpreno si Ark bago pa niya mabangga ang nakaharang na sasakyan. Naihilamos niya ang palad sa mukha. Hindi niya alam kung paano lulusutan ang sitwasyong ito. May mga pagkakataon talaga na nabubulaga ang isang tao ng mga pangyayari na hindi nito alam kung paano pakikitunguhan. At kahit gaano pa kahirap ang nasuotang sitwasyon, hindi niya magagawang atrasan. Kaya walang ibang dapat gawin  kungdi ang bumaba at kausapin si Nollet.
“Hanggang kailan mo ba talaga ako pepestehin?!” galit na bungad ng babae pag-ahon  nito sa sasakyan. “Baka akala mo hindi ko alam ang ginagawa mong pagsunud-sunod sa akin? Kahit saan ako magpunta, sa memorial park, sa supermarket, sa simbahan, pati dito sa mall nakasunod ka. Ano ba talaga ang gusto mong mangyari, ha?”
“Alam mo na ‘yon,” kalmado lang na sagot niya. Naninimbang din siya dahil alam niyang galit na talaga si Nollet. Namumula ang mukha nito hindi lang dahil sa makeup kungdi dahil mukhang fed up na ito. “Gusto ko lang talaga na maging kaibigan mo. Gusto ko na makapasok sa buhay mo.”
“Ang kulit mo rin talaga, ano? Sinabi ko na ngang ayokong makipagkaibigan sa iyo, nagpipilit ka pa rin.”
“Huwag mo naman kasi akong pagsarhan. Mabuti naman ang intensiyon ko. Alam kong makulit ako. Pero gano’n talaga ako. Hindi basta sumusuko. Ipinaglalaban ang karapatan. Maayos naman akong nakikiusap sa iyo. Hindi ba puwedeng pagbigyan mo ako? Kahit trial lang. Ikaw ang magbigay ng time kung ilang months mo akong papayagan na maging kaibigan mo muna.”
Nawala nga ang busangot na mukha ni Nollet pero pumalit naman ang tawang mapakla. “Muna. Sinasabi na nga ba doon din mauuwi ‘yon eh. So may ulterior motive ka nga kaya ka nakikipagkaibigan sa akin?”
Nahagod niya ang batok. “Ang masasabi ko lang, marunong naman akong tumanggap ng pagkatalo. Pero wala akong balak sumuko habang hindi pa ako natatalo. Hindi ako aayaw. Magpapatuloy pa rin akong kulit-kulitin ka, Nollet. Because I know I have something good to offer. At hanggang hindi mo napapatunayan na mabuti ang iniaalok ko, asahan mo na lagi pa rin akong magpapakita sa iyo.”
Umiling-iling lang ito kasabay ng isa uling tawang mapakla. Pagkatapos ay sumakay na ito sa kotse at humarurot palabas ng parking area.
Naiwan si Ark na nakatunganga sa papalayong sasakyan.

KAPAG HINDI mo kayang mag-isa, tumawag ng reinforcement. Kahit ang mga nasa military operation ay ginagawa iyon. At ang naisip ni Ark na hingan ng reinforcement ay si Nanay Enang.
Tinyempuhan niya ang matanda sa pamamalengke nito at nagpakilala siya. Nagprisinta rin siya na tagabitbit ng mga mapapamalengke nito. Bagay na tinawanan lang ng matanda dahil may sasakyan naman daw na paglalagyan ng mga pinamili nito. At puwede raw nitong tawagin ang driver para tulungan ito. Hindi raw bagay sa kanya ang magbuhat ng mga pinamalengke dahil mukha raw siyang boss sa opisina. Pero nagpilit pa rin siya.
Kapansin-pansin na hindi na payat ngayon si Nanay Enang tulad ng una niyang makita. Hindi na rin humpak ang pisngi nito at hindi na rin bungal. Nakapagpapustiso na ito ng ngipin. Pumusyaw na ang kutis nito ngayon at nagmukha itong mas bata kaysa dati.
Sinabi ni Ark kay Nanay Enang na interesado siya kay Nollet. Sinabi rin niya na mabuti ang intensiyon niya. Pero tinanggihan ni Nollet ang pakikipagkaibigan na iniaalok niya.
“Ganyan talaga, anak. ‘Yong mga taong ayaw sa atin, ‘yon ang ginugusto natin,” napapangiti na sabi ng matanda.
“Kaso lang po hindi ko alam kung paano mapapaamo si Nollet. Sobrang ilap ng alaga ninyo. Ayaw niya akong palapitin.”
“Ah, kapag ganyan ang kaso, kailangan mo lang magtiyaga at huwag mainip. Sasandali ka pa nga lang lumalapit kay Nollet, naiinip ka na.”
“Dalawang buwan na po akong lapit nang lapit sa kanya. Pero dalawang buwan na rin niya akong ipinagtatabuyan.”
“Dadalawang buwan pa lang pala. Ako nga, dalawang taon bago napasagot ng asawa ko noon.”
“Dalawang taon? Grabe naman po pala kayong magpakipot, ‘Nay.”
Tumawa na naman ito. “Kasi nga wala siyang permanenteng trabaho. Pero nang matanggap siyang pirmihang driver ng dyip noon, sinagot ko na siya.”
Parang hindi yata niya kaya na dalawang taong bumuntut-buntot kay Nollet nang walang kasiguruhan na tatanggapin siya ng dalaga.
“Magtiyaga ka lang. Samahan mo ng dasal. Diyos lang ang makakapagpabago ng isip ni Nollet.”
“Kung magsalita po kayo parang malabo talaga ako sa alaga ninyo.”
“Eh talaga namang sa umpisa pa lang malabo ka na sa kanya. Makulit ka lang talaga.” Tinawanan na naman siya nito.
“Nanay Enang naman. Hindi n’yo po ba ako puwedeng ilakad kay Nollet?”
“Kung sa palagay ko, may mag-asa ka sa alaga ko, aba’y hindi lang kita ilalakad sa kanya. Itatakbo pa kita.”
Mukhang kahit dito hindi rin siya maka-first base man lang. Sino pa bang padrino ang puwede niyang tawagan para lang tulungan siya kay Nollet?
Tinapik siya ng matanda sa balikat. “Alam mo ba kung ano ang susi para makuha mo ang gusto mo?”
“Ano po?”
“Nasabi ko na. Dasal at tiyaga. At ipakita mo ang totoong ikaw. Ipakita mo ang buti ng pagkatao mo. Dahil walang kahit na sinong tao ang makakapag-impluwensiya kay Nollet na tanggapin ka liban sa iyo mismo.”
“Tatandaan ko po ang sinabi n’yo, Nanay Enang. Salamat po.”
“Kung may tao man na gustong magka-lablayp ang alaga ko, una na siguro ako. Kasi gusto ko talaga siyang makita na totoong maging masaya. At nagmamahal ng isang taong totoo rin na nagmamahal sa kanya. Isang tao na hindi susuko na mahalin siya. Sana nga, ikaw na iyon, anak.” Tinapik pa siya nito uli sa balikat bago bumalik sa pamamalengke.
Kahit malabo pa rin ang lagay niya kay Nollet, natuwa na rin siya sa mga sinabi ni Nanay Enang. Dahil sa matanda, mas naging matatag ang kanyang resolve na ipagpatuloy ang pangungulit sa dalaga.

MAS NARAMDAMAN ni Ark kaysa nakita ang pagdating ni Nollet sa Richmond Plaza Hotel. Bahagyang tumahimik ang paligid. Nakita niya ang paglingon ng mga kalalakihan sa entrance door ng hall kung saan ginaganap ang pagtitipon. Napatingin na rin siya. At naroon nga si Nollet. Napakaganda ng pagkakangiti.
Simpleng haltered gown lang naman ang suot ng dalaga. Pansin niya na mahilig ito sa haltered neckline. Ang makikinis na balikat lang ang nakalitaw rito. Pero nag-uumapaw pa rin ang kaseksihan at kagandahan nito na parang diyosa sa kilos at tindig.
Totoo nga siguro ang sinabi ni Nanay Enang. Malaki ang naitutulong ng pagdarasal. Dahil isang araw ay tinawagan siya ng kanyang Tito Danny. May dadaluhan daw itong isang event. Isasama raw siya nito dahil tiyak daw na dadalo rin doon si Nollet.
Hindi niya pinalampas ang pagkakataon. Kaya naroon siya ngayon.
Hinintay lang niya na makipagbatian si Nollet sa host ng party. Nang makita niya na binati ito ng kanyang tiyuhin ay lumapit na rin siya. “Hi, Nollet,” sabi niya sa pinakasimple at pinakamagalang niyang pagbati. “’Good to see you.”
Nabura kaagad ang ngiti nito. “It’s you again.”
“Oo, isinama ako rito ng tito ko.”
“Naisip ko pala dapat na isasama ka ni Atty. Ponce. Hindi na sana ako nag-abalang pumunta rito.”
Nasaktan siya sa sinabi nito pero higit pa roon ang kaya niyang tiisin makita at makausap lang ito. “Sana hindi masira ang gabi mo kahit nandito ako. Don’t worry, hindi kita gaanong kukulitin,” aniya na nagsimula nang umatras palayo. “I’ll just be around.” Pero nang makalayo na siya, saka naman siya nagsisi. Parang tinalikuran niya ang pagkakataon na ibinigay sa kanya. Nag-alala lang naman siya na baka biglang umalis si Nollet dahil nakitang naroon din siya. Gusto niyang balikan ito pero gusto rin naman niya na mag-enjoy din ito sa party nang hindi niya ginagambala.
Nang lingunin niya uli ang kinaroroonan ni Nollet ay nagulat siya. Kitang-kita niya nang sampalin ito ng isang matrona.  Sa lakas ng pagkakasampal ay muntik nang bumagsak ang dalaga kung hindi lang sa maagap na pagsalo ng mga katabi nito.
“Ikaw ang may kasalanan ng lahat! Ikaw!” Dinuduro ng matangkad na matrona si Nollet na noon ay dinaluhan ng isang babae at isang lalaki na kasama rin sa event.
“Ma’am Monina, bakit n’yo ginagawa sa akin ito?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Nollet. Sapo nito ang nasaktang pisngi.
“Kayo ni Rida ang dahilan kaya nagkaletse-letse ang buhay ko! Kayo na lang sana ang namatay at hindi si Enrique!” Nagtutungayaw ang matrona habang inilalayo ito ng event hosts.
Patakbong lumapit si Ark kay Nollet na noon ay pinaliligiran ng mga tao. “Ako na ang bahala sa kanya,” sabi niya sa mga tumulong sa dalaga. Inilayo niya ito at agad na dinala sa labas ng hall. Nakakita siya ng concrete bench at iniupo niya ito roon.   
“Iwan mo na ako,” salat sa emosyon na sabi nito.
“Pagkatapos ng ginawa sa iyo ng babaeng ‘yon, hindi kita iiwan na mag-isa dito kahit ipagtabuyan mo pa ako,” sagot naman niya. Mapula na ang pisngi nito na sinampal ng matrona. Natitiyak niya na magkakapasâ iyon.
“Kaya ko ang sarili ko. Iwan mo na lang ako,” pagmamatigas naman ni Nollet.
Hindi siya umimik. Hindi rin niya ito sinunod. Naupo lang siya sa kabilang dulo ng bench. Nang tumayo  si Nollet ay tumayo na rin siya. “Ihahatid na kita sa inyo.”
“Makakauwi akong mag-isa.” Naglakad na ito pero sumunod siya.
Nang itapat nito ang keyless entry sa dalang sasakyan ay inagaw niya. “Ako na ang magda-drive para sa iyo.”
“Ibalik mo sa ‘kin ‘yan!” gigil na utos ni Nollet sa kanya. “Hindi kita kailangan!”
Parang nagpanting ang tainga ni Ark sa isinigaw nito. Kaya imbes na aalalayan lang ang dalaga para makapasok ito sa passenger seat ay walang abog na binuhat niya ito.
“Ibaba mo ‘ko! Ibaba mo ‘ko sabi!”
Binabayo ni Nollet ang dibdib niya pero hindi niya iniinda. Walang seremonyang idiniposito niya ito sa upuan bago siya lumigid sa kabila.
“Anong akala mo sa sarili mo? Feeling mo hero ka?” talak nito habang ikinakabit ang seat belt.
May pakiramdam si Ark na inunahan siya nitong magkabit para hindi na maging mas malapit pa ang distansiya nila sa isa’t isa.
Nang pausarin niya ang sasakyan ay nagtatalak na naman ito. “Kinaaawaan mo ba ako dahil nasampal ako ng matronang ‘yon? Ayokong kaawaan mo ako! Wala kang pakialam sa buhay ko! Bumaba ka na! Iwan mo na ako!”
Hindi pa rin umimik si Ark. Nagpatuloy lang siya sa pagmamaneho. Kalaunan, nagsawa na rin sa katatalak si Nollet dahil para lang itong nagsasalita sa poste. Nanahimik na rin ito mayamaya.
Ang sarap sana sa pakiramdam. Ang babaeng gustung-gusto niya, katabi niya ngayon sa kotse. Kasama niya sa biyahe. For a while ay hindi niya ininda ang sakit ng mga pambabayo ni Nollet sa dibdib niya. Pakiramdam pa nga niya parang haplos lang iyon na napadiin.
Sinulyapan niya si Nollet. Sa labas ng bintana nakapaling ang mukha nito. Pero ayos lang. Naroroon lang ito. Ang sarap mangarap ngayong magkasama na sila. Sa biyahe na sana lang papunta sa forever.
Wishful thinking.
Pero sino ba ang sisisi sa kanya? Lahat naman ng taong nai-in love ay nababaliw sa isang punto ng buhay nila. 
Natigilan si Ark sa naisip. In love na nga ba siya?
Ipinilig niya ang ulo. Sa kabila ng kanilang sitwasyon, napangiti siya. Hindi naman mahirap paniwalaan na in love na siya agad kay Nollet. Dahil ngayon lang niya ginawa sa isang babae ang mga ginagawa niya para dito. Ngayon lang siya literal na nang-stalk ng isang babae. Ngayon lang siya nangulit nang ganito sa isang gusto niyang maging kaibigan. Ngayon lang siya gumugol ng mahabang oras para kilalanin ang isang babae sa punto na halos mapabayaan niya ang trabaho sa opisina.
Ano pa ba ang ibig sabihin noon kungdi in love na nga siya? He couldn’t help but smile at the thought.
Hindi nagtagal at tumapat ang sinasakyan nila sa bahay ni Nollet. Awtomatikong bumukas ang gate at ipinasok niya ang kotse hanggang sa garahe. Kinalag agad ng dalaga ang suot na seat belt. Mabilis itong bumaba ng sasakyan bago pa siya makaligid para ipagbukas ito ng pinto.
“Sumunod ka sa akin,” mahinahon nang sabi nito nang iabot niya ang keyless entry.
Umawang ang bibig ni Ark. Marami siyang inaasahang sasabihin ni Nollet pero hindi ang linyang iyon.
“Ano pa’ng itinutunganga mo d’yan? Sumunod ka sa akin sa loob!” Naglakad na ito papasok sa front door.
Hindi siya makapaniwala! Kanina lang pinalalayas siya ni Nollet. Pinabababa siya nito ng kotse at ayaw magpahatid sa kanya. Anong nakain nito at pinapapasok na siya sa bahay? Sumunod nga siya sa dalaga. Nag-alangan lang siya nang magdiretso ito sa bedroom.
Ibinukas nito nang maluwang ang pinto. Napilitan siyang pumasok kahit naguguluhan pa rin kung bakit iyon ginagawa ni Nollet.
Napanganga siya nang sumulan nitong tanggalin isa-isa ang suot na damit. “We- we-wait! What are you doing?”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro