Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Mr. Kulit Vs. Miss Bato

5

KAPANSIN-PANSIN ang pamamayat ni Ardy. Iyon ang unang rumehistro kay Ark nang samahan niya ang kanyang Tito Danny na salubungin sa airport ang anak nito.  Ayon sa tiyuhin, nagdisisyon daw si Ardy na sa Pilipinas na lang manirahan at tuluyan nang kalimutan ang buhay sa Amerika.
“Balita ko busy ka daw sa pagpapayaman, ah,” biro sa kanya ni Ardy. Mukha namang maayos na ito pagkatapos ng pakikipagdiborsiyo sa ex-wife. Buhay na buhay pa rin ang mga mata ng pinsan niya. Samantalang noong huli silang magkausap ay parang nawalan na ito ng pag-asa sa buhay, partikular sa pag-ibig. “Mukhang sa iyo yata ako dapat magpatulong kung paano ulit magsisimula dito sa ‘Pinas.”
“Ah,  ang totoo si Tito ‘Nong talaga ang makakatulong sa ‘yo pagdating d’yan.”
“You’ll be an asset to the firm, son.”
“Pero Dad, gusto ko din namang magnegosyo tulad nitong pinsan ko.”
Nagpatuloy ang kuwentuhan nila hanggang tanghalian. Sa palagay ni Ark, ang tiyuhin pa rin ang masusunod sa bandang huli.
Ang hindi niya inaasahan ay ang sinabi ni Ardy bago siya umuwi. “Puwede mo ba akong samahan na dalawin ‘yong dati kong nililigawan? Three years din mula nang mawalan kami ng communication. Gusto ko sana kapag nagkita kami ulit, ma-establish ulit ang friendship. Hindi ko alam kung ano ang dating sa kanya no’ng basta na lang ako hindi nagpakita noon. Baka magkailangan kami kung wala akong kasama sa pagdalaw.”
Mukhang naka-move on na kaagad ang pinsan niya. At masaya siya para dito. “Sure. Anytime. Sabihin mo lang sa akin kung kailan.”
Pagkalipas ng tatlong araw ay niyaya nga siya ni Ardy na dalawin ang dati nitong nililigawan.  Laking gulat niya nang huminto ang kanilang sinasakyan sa tapat ng bahay ni Nollet. “Tell me, Ardy. Si Nollet ba ang babaeng sinasabi mo?”
Nagulat dito ito. “Kilala mo si Nollet?”
Kung puwede lang dagukan ang sarili, ginawa na sana ni Ark. Sa loob ng tatlong araw mula nang dumating si Ardy, hindi man lang niya naisip na itanong ang pangalan ng babaeng dating niligawan nito. “Y-yeah. Nakilala ko siya sa office ng daddy mo.”
“Tingnan mo nga naman. But that’s good. Mas matutulungan mo ako na hindi maging awkward ang pagkikita namin uli.”
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Oo nga at napalagay ang loob ni Ardy na hindi magkakaroon ng ilangan ang muling pagkikita nito at ni Nollet, pero siya naman ang hindi mapapalagay. Siya ang masasalang sa awkward na sitwasyon. Lalo pa nga at mag-iisang linggo na siyang hindi nagpapakita kay Nollet mula nang huli silang mag-usap. Hindi kasi niya alam kung paano iha-handle ang ipinagtapat sa kanya ng dalaga.
“Naging babae niya ako.”
Gagawin niya ang lahat makalayo lang sa lugar na iyon. Ngunit huli na ang lahat. Bumukas ang gate ng bahay ni Nollet at ito mismo ang bumungad doon.
Nagulat man ang dalaga na biglang makita roon si Ardy, sa palagay ni Ark ay mas nagulat ito nang makita siyang kasama ng kanyang pinsan. Pagkatapos ng mga priliminaries ay hindi na niya magawang magsalita. Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Mabuti na lang at hindi nauubusan ng kuwento si Ardy.
“Wala naman talaga akong balak magpunta ng States noon. Kaya lang, hindi mo kasi ako sinagot. Tapos tingin ko pa mas gusto mo si Xaniel kaysa sa akin. Kaya sa sama ng loob ko, nagpunta na lang ako sa States at nag-asawa ng puti. Akala ko kasi makakalimutan kita kapag nandoon na ako. Hindi pala. Kaya naging failure ang pagpapakasal ko. I guess, I was still longing for you kahit iba na ang kasama ko. Pero Nollet, nililinaw ko lang, ilang buwan na akong divorced sa naging asawa ko.”
“Marami nang nangyari sa loob ng tatlong taon mula nang huli tayong magkita, Ardy,” malungkot na sabi ni Nollet na nagbaba ng tingin.
Nang muling mag-angat ito ng mga mata, sandaling kay Ark tumutok ang mga mata nito. Resignation ang nakita niya roon. At parang may pumitik sa dibdib niya.
“Nagkaroon din ako ng... ng karelasyon. Minahal ko siya nang sobra-sobra. At dahil sa kanya, alam kong h-hindi ko na magagawa na magmahal pa uli.”
“Huwag mong sabihin ‘yan,” tutol ni Ardy. “Makakalimutan mo rin siya. Magmamahal ka pa ulit. Nandito pa ako, o.”
Nagtawanan silang tatlo. Pero ang tawa niya at ni Nollet, hubad sa saya.
Nasundan pa ang pagdalaw ni Ardy kay Nollet. Pero hindi na siya nito isinama. Medyo na-insecure siya sa pinsan. Mabuti pa ito, pinapayagan ni Nollet na dumalaw. Samantalang siya pirmi na lang na ipinagtatabuyan kahit noong umpisa pa lang. 
“I’m sorry, Ark. Hindi ko alam na ang dating nililigawan ni Ardy at ang babaeng napupusuan mo ay iisa,” sabi ng Tito Danny niya nang magkita sila.
Nagkibit lang siya ng balikat. “That happens, Tito ‘Nong. Kahit naman manligaw o hindi si Ardy kay Nollet, basted pa rin po ako.”
“At basted na rin si Ardy. Masamang-masama ang loob nang umuwi kagabi. Sinabihan daw siya ni Nollet na tigilan na ang pagdalaw sa bahay dahil tulad noon, wala pa ding aasahan si Ardy. Sinamahan ko na nga lang na uminom kaysa lumabas pa ng bahay.”
Hindi man dapat – nalulungkot siya para sa pinsan – pero nakasilip si Ark ng kaunting pag-asa. Kung tinanggihan na ni Nollet si Ardy, hindi naman siguro masama na siya naman ang sumubok na mapaibig ang dalaga. Ang dapat lang niyang ipag-alala ay kapag nalaman ni Ardy na manliligaw din siya ni Nollet. Baka magalit ito sa kanya.
Sa puntong iyon, bigla niyang naalala ang sinabi sa kanya ni Nanay Enang. Alam mo ba kung ano ang susi para makuha mo ang gusto mo...? Dasal at tiyaga...

BACK TO stalking na naman si Ark. Lagi na naman siyang nakasunod kay Nollet lalo na nang malaman niya na muntik nang may manunog ng Flower Town. Mabuti na lang at mababaw daw ang tulog ni Nanay Enang. Nakamalay ito na may umuusok sa labas ng flower shop. Maliit pa ang apoy kaya naapula kaagad ng mga tao sa shop. Hindi nakita sa CCTV ang pangyayari. Kaya ayon sa matanda, nagpadagdag na si Nollet ng CCTV camera sa paligid ng flower shop.
Kasalukuyan siyang naroon sa Paseo de Roxas. Sinundan niya si Nollet na nag-deliver ng isang flower bouquet sa Citibank Tower. Ayon sa nakausap niyang delivery man na si Chris, napakarami daw ng nagpapa-deliver ng bulaklak para sa araw na iyon. Okupado raw ang mga ito kaya pati si Nollet ay tumulong na rin.
Patawid ang dalaga sa kalsada nang biglang may isang humaharurot na kotse na muntik nang makasagi rito. Mabuti na lang at instinct na nakatakbo sa sidewalk si Nollet. Pero nagkamali naman ito ng pagtapak at bumagsak ito.
Napatakbo si Ark para ito daluhan. Nagkataon pa naman na walang katau-tao roon para ito tulungan. “Nasaktan ka ba?” tanong niya habang iniinspeksiyon ang mga paa nito.
“Konti,” anitong sumulyap lang sa kanya.
“Okay, kung kaya mong ilakad ‘yan, ihahatid na kita sa kotse mo.”
“Hindi mo na ako kailangang tulungan. Kaya kong tumayo mag-isa.”
Inalalayan pa rin niya ito. Kahit wala silang imikan, natutuwa pa rin siya na pinapayagan siya nitong tumulong. “Nakuha ko ang plate number at description ng kotse na muntik nang makasagasa sa iyo. Ayokong takutin ka pero may muntik nang nanunog ng flower shop mo at ngayon naman, muntik ka nang masagasaan. At kung nakalimutan mo na, ipapaalala ko sa iyo. Sinampal ka at ipinahiya ng matronang iyon sa party. I guess you should be alarmed. Baka may mas malala pang damage ang magawa ng taong ‘yon sa iyo.”
“Ibinibintang mo kay Monina ang muntik nang panununog ng flower shop at pati ito?”
“Why not? Siya lang naman ang may galit sa iyo, di ba?”
“Hindi ako paranoid na tao.”
Bigla siyang nabanas. “Well then, be paranoid now. Kahit sa pagkakataon lang na ito. Mag-ingat ka naman sana.”
Napatingin si Nollet sa kanya. “Don’t sound as if you care.”
“I care, okay? And I can’t help it. Because I care about you from the first time I laid my eyes on you.”
“Shh... naririnig kita. Hindi mo kailangang lakasan ang boses mo.”
Nahagod ni Ark ang kanyang batok. “I’m sorry. Nakaka-frustrate lang kasi na ayaw mong pansinin ‘yong taong nag-aalala para sa iyo. Ayaw mong bigyan ng pagkakataon na mahalin ka niya at pagsilbihan at gawin ang lahat ng puwedeng magpasaya sa iyo.”
Humugot ng hininga si Nollet. “In case na nakalimutan mo na, ipapaalala ko sa iyo. Naging babae ako ni Enrique. Nasabi ko na sa iyo, di ba? Hindi ako ang inakala mong ako, Ark.”
Lalo siyang nabanas. “At dapat ba layuan na kita dahil doon?”
“Hindi nga ba dapat?”
“Hah! Ang lupit mo!” Ipinamulsa na lang niya ang mga kamay sakaling ma-tempt siya na yugyugin ang dalaga. “Nang mahalin kita, wala akong inisip na kahit na ano. Hindi ko inasahan na ganito ka sana o ganoon. Kaya wala akong pakialam kung naging babae ka ng kahit na sinong Poncio Pilato. Ang mahalaga wala na siya sa buhay mo ngayon. Na malaya ka nang magmahal ng iba. Ang hirap sa iyo, itinali mo na ang sarili mo sa nakaraan. Ipinako mo ang sarili mo sa stigma ng dati n’yong relasyon.”
“At dito talaga tayo kailangang magtalo sa daan?”
Siya naman ang nagbuntong-hininga. Mas mahina na ang boses niya nang muling magsalita. “Ang sakit lang kasi na hinusgahan mo na agad ako. Inisip mo na gi-give up na ako dahil lang sinabi mong nagkaroon ka ng affair sa isang lalaki dati. Hindi naman gano’n kababaw ang nararamdaman ko para sa iyo.”
“Okay. Hindi na kung hindi. Kailangan ko nang bumalik sa flower shop. Kaya chill ka na d’yan.” Tinapik siya ni Nollet sa balikat bago nito buksan ang dalang sasakyan at pinaandar na.
Naiwan si Ark na nakatunganga sa tabi ng kalsada. Totoo ba ang nangyari? Tinapik nga siya ni Nollet? It wasn’t much, but still she touched me.
Para siyang timang na nakangiti habang naglalakad pabalik sa kanyang kotse.

“PUWEDE BANG ako na lang ang magtulak nito?”
Saglit lang na nagitla si Nollet. Alam na alam na niya kung sino ang may-ari ng boses. Naroon siya sa supermarket. Araw ng paggo-grocery niya para sa mga pangangailangan ng mga tauhan sa flower shop. True enough, ang nakangiting mukha ni Ark ang nalingunan niyang nagsalita. Bumuka ang bibig niya para magsalita pero naunahan siya nito.
““Ikaw na naman. Kailan mo kaya titigilan ang pamemeste sa akin?” Gano’n ang sasabihin mo, di ba? Memorized ko na.”
Napailing na lang si Nollet sa makulit na lalaki. Hanga rin naman talaga siya sa tiyaga nito. Ilang beses na niyang ipinagtabuyan pero balik pa rin nang balik. “At hari ka ng-”
“Kakulitan,” sahod pa nito, hindi man lang nagbago ang ngiti. “Guilty as charged.” Dalawang kamay na nitong itinulak ang grocery cart niya. “Kung hari ako ng kakulitan, reyna ka naman ng mga may pusong bato. Mas matigas pa sa muscles ni General Bato ang puso mo. That’s why we are a pair. Hindi mo ba nakikita? Bagay tayo. Kumbaga sa movie, puwedeng Mr. Kulit versus Miss Bato ang maging title natin.”
“Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kasama ka pa ni Ardy no’ng magpunta kayo sa bahay.”
“Hindi ko rin alam na ikaw ang babaeng sinasabi niya na dati niyang nililigawan. Nagulat na lang ako nang makita kong nasa tapat na kami ng bahay ninyo. Wala na akong magawa kungdi sumama. Hindi mo lang alam kung gaano kahirap sa akin ‘yong nakaharap ako habang panay ang hirit niya ng diga sa iyo. It’s a good thing na binasted mo na siya.”
“Gusto ko sana siyang kaibigan. Gusto ko siyang kausap. Pero higit pa roon ang gusto niya. Na hindi ko naman kayang ibigay.” Kahit noon, nag-eenjoy lang siyang kasama si Ardy. Palagay ang kanyang loob. Kakampi ang pakiramdam niya rito. Isang mabuting kaibigan. Kaya nang ligawan siya nito, sinikap niya na mabigyan ito ng chance. Pero hanggang ngayon, walang pagbabago ang pagtingin niya kay Ardy. Samantalang sa makulit na lalaking ito, pirming stressed out ang pakiramdam niya. Para siyang laging nasa isang karera, na kailangan niyang maipanalo. Laging may riot sa loob niya kapag ito ang katabi niya at kausap. At para siyang laging nasa bingit ng bangin kapag nakangiti ito at nakatitig sa kanya. Alam niya na nag-aabang lang si Ark na mahulog siya sa bangin ng emosyon na ayaw na sana niyang maramdaman muli. Pero may mga nagawa siya na hindi niya dapat ginawa. Tuloy ngayon, kapag nakikita niya ang binata, lagi niyang naaalala ang naging kabaliwan niya nang magpahalik siya rito.
“At ang ayaw mong ibigay sa kanya, sana naman sa akin mo na lang ibigay,” hirit ni Ark.
“Hindi ba puwedeng kapag kausap mo ako, huwag ka na lang hihirit? Huwag kang didiga kasi nao-off na naman ako sa iyo.”
Ilang sandaling hindi nakapagsalita ang binata. Pero nakabawi rin agad. “Okay. Pililitin ko. Pero sana, kapag feeling mo napo-fall ka na sa akin, puwede bang ikaw naman ang dumiga? Promise, kahit oras-oras at kada minuto kang humirit, hindi kita babawalan. Ie-encourage pa kita.”
Hindi napigilan ni Nollet ang sarili. Natawa siya. “Baliw!”
“Ang galing mo, ah. Na-deduce mong gano’n ako? Amazing!” sabi nito sa pinakainosenteng ekspresyon ng mukha.
Wala sa loob na nasiko niya ang braso nito. Tawa pa rin siya nang tawa. Hindi na niya pinigilan ang sarili. Mas nadadaig ng saya ang pangangailangan na ingatang lumitaw ang ibang emosyon niya.
“Nakapagpa-blotter ka na ba sa mga pulis doon sa nangyari sa iyo noong isang araw?” anito maya-maya.
Umiling lang siya. Hindi niya iniisip na may kinalaman si Monina sa tangkang pagsunog ng flower shop at maging nang muntik na siyang masagasaan.
“Alam ko nga. Hindi mo kinuha sa akin ang plate number ng kotseng muntik nang makabangga sa iyo. Bakit hindi mo ginawa? Itinawag ko na nga sa flower shop mo ‘yong plate number.”
“Ark, aksidente lang ‘yong nangyari. Walang dapat ikaalarma.”
“Eh paano naman yong muntik masunog yong flower shop mo?”
“May nagsabi sa akin na may nakaaway daw si Chris bago mangyari ang muntik nang pagsunog ng flower shop. Naipa-blotter na ni Chris ‘yong taong ‘yon. At hindi na rin nagpakita mula noon. Nanakot lang siguro. Kaya ayoko nang palakihin pa ang nangyari.”
Umiling-iling si Ark. Ipinamulsa pa ang mga kamay. “Sobra kang mapagtiwala.”
“Kilala ko lang si Monina. She’s all talk.”
“Alam ko na wala akong karapatan na magtanong at makialam. Pero curious talaga ako kung bakit ka niya sinisisi dahil nagkaletse-letse ang buhay niya.”
Ilang sandali na hindi makapagsalita si Nollet. Gustuhin man niya na sabihin kay Ark ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang galit sa kanya at kay Rida ni Monina ay wala siyang karapatan. Kahit marami nang problema ang ibinigay sa kanya ni Monina mula nang mamatay si Enrique, hindi pa rin niya magagawang ikuwento sa iba ang baho nito. “Naghahanap lang siguro ng damay ang babaeng ‘yon.”
“Naging... mistress ba siya ni Enrique?” Ayaw pa rin talagang tantanan nito ang topic.
“Naging mag-asawa sila.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro