Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Memories Of A Burned Soul

CHAPTER 9

“NGAYONG MAY restraining order na sa Monina Arguelles na ‘yon, hindi na siya makakalapit sa iyo, Miss Avila. At kapag nagtangka na naman siyang lapitan ka, dadamputin na lang siya ng mga pulis.” Inilahad ni Atty. Ponce kay Nollet ang kamay.
Tinanggap ni Nollet ang pakikipagkamay nito. Sa panghihikayat na rin ni Ark, lumapit siya sa abogado para idulog ang ilang ulit na pangha-harass sa kanya ng ex-wife ni Enrique. “Maraming salamat po, Atty. Tutuloy na po kami.”
“Good day, Miss Avila.” Tinapik ng abogado ang balikat ni Ark. “Nananahimik ka d’yan. Pero may napansin ako sa iyo ngayon. You look like a contented man, Ark. Napasagot mo na ba?”
Tumawa lang si Ark. “Tutuloy na po kami, Tito ‘Nong. Kumusta na lang po kay Ninang at kay Ardy.”
Tumango ito. “Minsan, dalawin mo naman ang pinsan mo sa bahay. Depressed pa rin ang isang ‘yon.”
Naglihis ng tingin si Nollet. Alam niyang may kinalaman siya kung bakit depressed pa rin si Ardy hanggang ngayon.
Nang nasa parking area na sila sa labas ng opisina ng abogado ay tinanong siya ni Ark. “Nagpapakita pa ba sa iyo si Ardy?”
“Hindi na.”
“I guess, hindi niya alam na... na nagkikita pa rin tayo.”
“Sooner or later, malalaman din niya.” Dama ni Nollet ang bahagyang pag-aalala sa tinig ni Ark.
“Kailangan ko na sigurong sabihin sa kanya.”
“Para saan? Mag-ano ba tayo? Kahit ga-butil ng buhangin na pag-asa wala akong ibinibigay sa iyo. Hindi nga kita pinayagang manligaw sa akin. As far as I’m concerned, pareho lang kayo ng status ni Ardy.”
Sumeryoso ang mukha ni Ark at pinausad na ang kotse. At nang magsalita ay halata ang pagdaramdam sa boses. “So, mabubuhay ka na lang talaga sa nakaraan?” anitong napapailing. “Nollet, sinasayang mo lang ang buhay mo kung hihinto ka na lang hanggang doon sa panahon na kayo pa ni Enrique. Wala ka sa time warp. Huwag mong itulad ang sarili mo sa mga taga East Berlin at North Korea. Walang pag-usad. Hindi na naka-move on sa kinamulatan nilang panahon at ideyolohiya kahit mali. Huminto nang makipagrelasyon sa ibang mga bansa. Natakot na masakop kaya in-isolate sa iba ang bayan nila. No man is an island. Alam kong naniniwala ka doon. Dahil sigurado ako, mahabang lungkot lang ang ibibigay sa iyo ng pag-iisa. Gagawin kang duwag niyan. Hindi ka nga masasaktan ng ibang tao pero hindi ka na magiging maligaya. Kaya sana, bigyan mo naman ng pagkakataon ang sarili mo na maging masaya. Huwag mong pigilan ang sarili mo na makaramdam uli. Na magmahal muli. Kasi ako, Nollet, mahal kita...”
Parang may bagay na humarang sa lalamunan niya na ga-kamao ang laki pagkarinig sa pahayag ni Ark. Naiiyak siya. Habang tumatakbo ang mga segundo ng orasan ay parang inuudyukan siya na paniwalaan. Aaminin niya, coming from Ark, masarap pakinggan ang deklarasyon nito. Parang marahang haplos sa puso niya. Kung sana noon pang bago niya makilala si Enrique ay nakilala na niya si Ark, baka nagbago ang direksiyon ng paniniwala at paninindigan niya. Pero dapat nga ba niya itong paniwalaan? “Sinasabi mo lang ‘yan dahil hindi mo pa ako nakukuha,” sabi ni Nollet pagkatapos ng mahabang speech ni Ark. “Pero kapag nakuha mo na ako, pagsasawaan mo rin ako. Gano’n naman talaga ang laging nangyayari pag tagal-tagal.”
“Hindi mangyayari ‘yon!” matatag na sagot ni Ark. “Sigurado ako sa sarili ko. Panghabangbuhay ang pagmamahal ko. Hindi nakabatay lang sa maganda mong mukha at katawan; kasama ng isip at puso, at ng buong pagkatao ko, mahal kita.” 
Nollet gritted her teeth. Iyon lang ang magagawa niya habang parang pinag-aagawan siya ng dalawang magkasalungat na puwersa. Isang bahagi ng sarili niya ay gustong paniwalaan si Ark. Isang bahagi naman ay gustong manatili sa dati at mas ligtas niyang paniniwala. At pinili niya ang huli. “Pinagsawaan ni Enrique si Monina sa kalagitnaan ng pagsasama nila kaya nagka-affair siya kay Rida. Pinagsawaan ni Monina si Enrique kaya nakipag-affair siya sa ibang lalaki bago sila mag-divorce. Kaya nang maging kami na ni Enrique...” Sumagap ng hangin si Nollet dahil parang hindi na siya makahinga. Nag-iinit ang sulok ng mga mata niya at hindi na niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha. Nanariwa sa kanya ang sakit habang inaalala ang tatlong taon nilang pagsasama. Pero pinilit niyang magsalita kahit hindi halos maglagos sa lalamunan niya ang tinig. “Minahal k-ko si Enrique nang higit pa sa s-arili ko... Pero... p-pero dahil sa mga nangyari noon... h-hindi na niya kayang ibigay sa akin a-ang kaparehong p-pagmamahal... I-I have loved a-a burned s-soul... N-na laging n-nagdududa... N-na dahil mas bata raw a-ako... baka maghanap d-daw ako n-ng mas bata a-at mas g-guwapo... K-kaya sa huling d-dalawang taon ng p-pagsasama namin... n-na nagkasakit n-na siya... l-lagi niya a-akong nina-nag... S-siguro...”
Sa puntong iyon, itinigil ni Ark ang kotse sa gilid ng kalsada. Tinanggal nito ang suot na seatbealt at niyakap siya nang mahigpit. “Shh... tahan na. I’m sorry... I’m sorry, hindi ko alam na gano’n pala ang nangyari... Okay lang kahit hindi mo na ikuwento. Kung nahihirapan ka na balikan ang masasakit na nangyari noon, okay lang. I won’t press you to talk anymore.”
May ilang minuto rin na inaalo siya ni Ark. Nanatili siya sa loob ng yakap nito hanggang sa tumigil ang pagsigok niya.
Sa loob ng nakaraang mahigit tatlong taon, ngayon lang lumuwag nang kaunti ang dibdib ni Nollet. Ngayon lang niya naramdaman na may isang tunay na nakakaunawa sa kanya. At sana hindi siya nito huhusgahan. Dahil kahit mismong ang bestfriend niyang si Ivony, nang malaman na magri-resign na siya sa pharmaceutical company na pinapasukan nila noon para makipag-live in na kay Enrique, pinagsabihan siya na hindi ito sumusoporta sa naging disisyon niya. Pasalamat na lang siya na hindi nito pinutol ang communication nila. Sa kabila ng pagsalungat nito sa naging disisyon niya, hindi ito bumitiw sa kanilang pagkakaibigan.
Kumalas siya sa yakap ni Ark nang mahimasmasan na siya. “Gusto ko pa ding ikuwento ang nangyari sa amin ni Enrique noon. Ayoko nang dalhin ang bigat nito sa dibdib ko, Ark...”
“Go on. Makikinig ako.”
“Nagkaroon ng cancer sa colon si Enrique. Dalawang taon ko siyang inalagaan. Dalawang taon din niyang sinasaktan ang kalooban ko sa mga pagdududa niya at pagiging negatibo. Lagi siyang galit. Laging nakakahanap ng dahilan para magalit at magmura. Pero noong mahina na siya, sinabi niya sa akin na tawagan ko si Atty. Ponce. Ililipat niya raw sa akin lahat ng mga kayamanan niya. At para daw maging legal ang lahat... pakakasalan niya daw ako.”
“Ikinasal pala talaga kayo?”
“Sa papel lang. Walang seremonya. Pirmahan lang. Pumirma kaming dalawa, ang judge, ang dalawang witness. Fifty four days pagkatapos noon... namatay na si Enrique.” Muling tumulo ang luha niya. “Nangako ako sa sarili ko na hinding-hindi na ako muling makikipagrelasyon. Ayoko na... Torture sa isip at sa damdamin ko ang huling dalawang taon namin ni Enrique... Alam mo ‘yon? ‘Yong mahal na mahal mo ang isang tao pero muhing-muhi ka sa mga pagdududa niya... sa mga ipinakakain niyang masasakit na salita. Para akong mababaliw noon... Daig ko pa ang nakatungtong sa numero paggising ko pa lang sa umaga. Hindi ako puwedeng lumabas ng bahay na ako lang. Dapat laging kasama si Ida. Dapat makakauwi kami sa tamang oras. Dahil tiyak na aawayin ako ni Enrique kapag na-traffic kami at na-late kami kahit thirty minutes lang. Dapat balot na balot ang katawan ko kapag may inaasahan kaming bisitang lalaki kahit si Atty. Ponce lang ‘yon. At lagi niyang tsine-check ang expenses namin. Hindi siya kuripot pero ayaw niyang magkaroon ng unexplained expenses lalo na kung malaking halaga. Mabuti na lang at wala akong ginagastos na puwedeng maging dahilan para siya magduda.
“Ayoko siyang mawala noon pero... pero nakahinga ako nang maluwag nang mamatay na siya.”    

KATOK NG housekeeper ang nagpalabas kay Nollet sa kanyang silid. Ngunit sa halip na ito ang makita nang buksan niya ang pinto ay si Rida ang naroon. May kilik itong makapal na folder. Gulat na gulat si Nollet. Mula nang ibenta niya ang mansiyon ni Enrique at hanggang sa bilhin niya ang bahay na tinitirhan niya ngayon ay hindi ito tumungtong sa tinitirhan nila. Ngayon lang. Pirming sa labas ng bahay sila nagkikita. Pero ang mas ikinagulat niya ay luhaan ito at nanginginig sa takot. Magulo rin ang buhok nito na parang sinabunutan. “Bakit, Rida?” tanong niya. “Anong nangyari?
“S-si EJ! K-kinuha niya si EJ!” nagpa-panic na sagot nito.
“Ha? Sinong kumuha?”
“Si Monina. Nasa yard lang kanina ang anak ko, naglalaro. Tapos narinig ko na tinawag niya ako. Paglabas ko wala na siya. Tinawag ko siya pero hindi na siya sumagot. Tumakbo ako sa labas. Bukas ang gate. Nakita ko ang kotse ni Monina, papalayo na. Nollet, kinuha ng babaeng ‘yon ang anak ko!”
“Diyos ko!” Niyakap niya ito. “Nasundan mo ba sila?”
“Oo. Doon sa lumang bahay nila ni Enrique sa Pasig. Iginapos niya si EJ sa mga kamay at paa. T-tapos, binusalan niya ng damit ang bibig ng anak ko. Nollet, hindi ko k-kakayanin kapag may nangyari masama sa anak ko!”
Dinala niya ito sa settee. Sinenyasan niya si Ida na dalhan ito ng tubig. “Sandali lang. Nakita mong iginapos si EJ? Nakapasok ka sa loob ng bahay?”
“Sinugod ko si Monina. Pero hindi ako nakalapit nang todo kay EJ. Hinarangan ako ng bruhang ‘yon. Sinabunutan niya ako at kinaladkad palabas. Sabi niya, kung gusto ko raw makuha si EJ, kailangan ko munang ibigay ang hinihingi niya.”
Hindi makapaniwala si Nollet na magri-resort sa kidnapping si Monina. Talaga yatang desperada na ang babae. “Ano daw ang hinihingi niya?”
Iniabot nito sa kanya ang folder. Ang unang dokumento na nakita niya ay isang deed of donation of property. Nakanotaryo na. Pirma na lang niya ang kulang. Nakasaad sa dokumanto ang paglilipat sa pangalan ni Monina ng commercial building na ipinatayo noon ni Enrique sa San Juan. Napalunok si Nollet. Iyon ang pinakamalaking property na naiwan ni Enrique sa kanya. Ang kinikita noon ang itinutustos niya sa pagpapaaral ng mga anak ng dati nilang mga kasamahan ni Ivony sa nasunog na Med Laboratories. May ilan sa mga dating co-employees nila ang hindi na nakahanap ng maayos na trabaho kaya tinutulungan niyang makapag-aral ang mga anak.
“Hindi makalapit sa iyo si Monina dahil sa restraining order sa kanya. Kaya ginagamit niya kami ng anak ko ngayon para makahuthot sa iyo... I’m sorry, Nollet. Kung hindi lang talaga sa anak ko...” Napaiyak na naman ito sa puntong iyon. “B-baka kung ano ang gawin niya sa anak ko k-kapag hindi natin naibigay ang hinihingi niya. Please, tulungan mo kami.”
Hindi puwedeng pabayaan ni Nollet ang anak ni Rida. Dahil ito ang kaisa-isang anak na naiwan ni Enrique kahit pa nga hindi in-acknowledge ng lalaki ang paternity sa bata. Pero hindi rin niya puwedeng ipamigay na lang ang property na ipinamana ni Enrique sa kanya. Maraming estudyante ang umaasa roon.
“Oo, tutulungan ko kayo. Pero kailangan nating humingi ng tulong sa proper authorities.”
Laking tanggi ni Rida na humingi ng tulong sa mga pulis. Lalo lang daw mapapahamak ang anak nito. Kaya napilitan si Nollet na pirmahan ang mga dokumentong dala nito.

KUMBINSIDO SI Ark na si Ardy ang nakita niya sa tapat ng isang gaming arcade na kinaroroonan niya at nina Bendi at Jobert. Tinawag niya ang pinsan pero nang makita siya ay lumayo at nagtungo sa kabilang direksiyon. Nalungkot siya na nasira ang dating relasyon nila bilang magpinsan mula nang malaman ni Ardy na nililigawan niya si Nollet. Pero hindi naman niya maaaring isuko na lang ang nararamdaman sa dalaga para lang manumbalik ang dating samahan nila ni Ardy. Umaasa na lang siya na darating din ang panahon na makakabalik pa silang magpinsan sa dati.
“Dude, sa arcade muna tayo,” yaya sa kanya ni Bendi.
“Hindi ka pa ba nagsasawa sa paglalaro?” kantiyaw dito ni Jobert. “Pumayat ka na nga sa kakahabol ng mga pokemon sa Pokemon Go, ah.
“Gusto ko naman na nakaupo lang pag naglaro kahit ngayon lang. Bakit, ikaw ba sawa na?”
“Hindi rin,” nakangising sagot ni Jobert bago siya balingan. “Saka nahuli ko na sina Blastoise at Wartortle, pang forty-nine at fifty ko. Mahirap hulihin ‘yong ibang nakalista sa Pokedex. Kaya solb na muna ako sa achievements ko. Lika na, Dude. Pagbigyan na natin ang isang ‘to.”
“Sige na nga,” napipilitang sang-ayon ni Ark kahit wala sa paglalaro ang isip niya. Mas gusto niyang puntahan si Nollet. Nasa kabilang bloke sa likuran lang ng mall na kinaroroonan niya ang bahay nito. Matapos ang huling pag-uusap nila ay nakiusap ito na huwag muna silang magkita. Gusto muna raw nitong makapag-isip. Kaya kahit sabik na siya na makita ito at makausap ay minabuti niyang bigyan muna ito ng space. Pero hindi siya makatiis na hindi man lang marinig ang boses ni Nollet. Nang tumawag naman siya sa smart phone nito kanina ay hindi sinagot. Tumawag siya sa landline. Ayon kay Ida na siyang nakasagot ng tawag ay may bisita raw ang amo nito at hindi puwedeng abalahin.
Papasok pa lang sila sa arcade nang mag-vibrate ang smart phone sa bulsa niya. Hindi pamiyar sa kanya ang numero ng tumatawag. At hindi niya alam kung bakit bigla siyang kinabahan. “Hello?”
“Sir Ark? Si Ida po ito. Puntahan po ninyo dito si Ate Nollet, please? Pakibilisan po!”
“Ha?” Lalo siyang kinabahan sa panic ng boses nito. “Bakit? Ano ba-”
“Sumugod po dito ‘yong matrona!”
Parang ipu-ipo sa bilis na napatakbo siya palabas ng gaming arcade. Hindi na siya nakapagpaalam sa mga kaibigan. Tumatakbo siya habang may tinatawagan sa phone. Halos paliparin niya ang kotse nang makalabas siya sa mall. Kaya wala pa yatang dalawang minuto at pumarada na siya sa tapat ng bahay ni Nollet. Napansin niya na naroon na rin ang dalawang tao na tinawagan niya para saklolohan si Nollet. Pero nagtataka siya kung bakit nakasilip lang ang mga ito sa bintana sa halip na pumasok.
Daig pa ni Ark ang natuklaw ng ahas nang makapasok at makita niya sa top landing ng hagdan sina Nollet at Monina. Idinidikdik ng matrona si Nollet sa banister habang nakatutok sa leeg ng dalaga ang hawak na baril.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro