Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

"Girlfriend"

7

“H-HINDI NAMAN po ako tatakas, Sir.” Napapiyok na si Nollet sa puntong iyon habang nakatingala sa patrol police, na lalong humigpit ang hawak sa braso niya at pinipilit na pababain siya. Hindi niya mapigil ang pagtulo ng luha. “K-kaya nga po n-nakikiusap ako na mag-convoy-” namatay sa bibig ang iba pang sasabihin niya nang biglang may SUV na huminto sa unahan ng kanyang kotse.
Lalong kinabahan si Nollet. Baka kasabwat ng pulis ang sakay ng  SUV. Pero nakahinga siya nang makilala ang lalaking bumaba ng sasakyan – si Ark.
Nagbigay-galang ito sa pulis. “Ako po si Ark Montecillo. May problema po ba sa girlfriend ko?”
Napasinghap si Nollet. Pero napansin niya na parang biglang nabahala ang pulis. Binitiwan siya nito. Si Ark naman ay nakangiti na. Hmp! Feel na feel ng isang ito na sabihing girlfriend niya ako. Handa na siyang isaboses ang pagtutol nang makarinig siya ng sirena ng pulis.
“Hot car itong dala ng girlfriend mo, bata. Fake ang rehistro ng kotse niya. Puwede siyang makasuhan ng carnapping at makulong ng-”
Tumigil ang isang police mobile sa mismong tapat ng kotse niya. Dalawang pulis ang agad na bumaba mula roon. Ang patrol police ang kinausap ng mga ito sa halip na siya. Nagulat siya na pinosasan ng mga ito ang patrol police at kaagad na binasahan ng Miranda rights. Maagap naman na inagaw ni Ark ang hawak na papeles ng patrol police at ibinalik sa kanya. Nakaawang ang mga labi ni Nollet. Naguguluhan at namamangha siya sa bilis ng mga pangyayari.
“Kayo po ba ang tumawag sa hot line 8888 namin?” tanong kay Ark ng isa sa mga pulis.
“Opo, Sir. Mukhang masama ang balak ng pulis na ‘yan sa girlfriend ko.”
Kinuha ng mga ito ang kanilang mga pangalan matapos ang maiksing interview sa kanya. “Sumunod na lang po kayo sa presinto, Sir, Ma’am. Para po makapagharap kayo ng formal complaint laban sa taong ito.” Isa pang police ang sumakay sa motor ng patrol police at nauna pang pausarin iyon palayo. Sumunod naman dito ang police mobile.
Awang pa rin ang mga labi ni Nollet habang nakasunod ng tingin sa papalayong police car. Nauntag lang siya nang maramdaman na pinisil ni Ark ang balikat niya. “I can still feel your fear.  May iba pa bang ginawa sa iyo ang gagong ‘yon?”
“Wala na.” Niyakap niya ang sarili. Nabawasan na ang panginginig niya pero dama pa rin niya ang takot na pinagdaanan.  “Mabuti na lang hindi ko siya sinunod no’ng sabihin niya sa akin na bumaba ako nitong kotse.”
Umikot ito at kinatok ang bintana ng passenger door. “Let me in.”
Pinagbuksan niya ito. Malaki ang pasasalamat niya na naroon si Ark. Na dumating ito sa puntong takot na takot siya. Pagkasara ng pinto ay kinuha siya nito at niyakap. Hindi maluwag, hindi rin napakahigpit. Sapat lang para unti-unting kumalma ang pakiramdam niya.
“I’m glad you called me and not somebody else.”
“Ang totoo nga n’yan, hindi ko alam kung kaninong number ang na-tap ko.” Naramdaman niya ang marahang paghagod nito sa ulo niya. Hinayaan niyang umunan ang kanyang ulo sa dibdib nito. Kahit sa pagkakataon lang na iyon ay pagbibigyan niya ang sarili sa masarap na pakiramdam. Sa pakiramdam na iniligtas siya sa panganib ng kanyang tagapagligtas. Na may kakampi siya at may makikinig sa mga sumbong niya. “Nataranta kasi ako. At hindi ko puwedeng ipakita doon sa pulis na may kausap ako sa phone.”
“Just the same, buti na lang at ako ‘yon.”
“Salamat... Maraming salamat sa tulong mo. Kung hindi sa ginawa mo baka kung ano na’ng nagyari sa akin.”
“Kung may nangyaring masama sa iyo, baka kung ano na rin ang nangyari sa akin. Baka makapatay ako ng tao.” Humigpit ang yakap nito.
Saka lang naisip ni Nollet na nagpapayakap siya sa tao na laging lumalapit sa kanya pero pirmi niyang itinataboy. Kumukuha siya ng lakas at comfort sa lalaking pilit niyang pinalalayo sa kanyang buhay. At sa nangyari ngayon, dapat siyang mahiya rito. Taboy siya nang taboy pero dito rin pala siya hihingi ng tulong sa panahon na ginigipit siya ng pagkakataon. Kumilos siya para kumalas sa pagkakayakap ni Ark. Kahit ayaw pa sana niya. Hindi siya puwedeng mawili sa ganitong eksena. Mabuti na lang at binitiwan siya ni Ark. 
“Ako na lang ang magda-drive. Pagkatapos ng nangyari, hindi ka dapat magmaneho pa ng sasakyan. Kailangan mong magpahinga.”
“No. Kaya ko na ang sarili ko.” At kung nagkataon na hindi pa niya kaya ang sarili, hindi rin siya papayag na ipagmaneho nito. “Mas lalong hindi natin puwedeng iwan ang kotse mo rito. Ayos lang kung ma-tow ng MMDA. Pero paano kung ma-carnap? Kaya bumalik ka na sa kotse mo. Susundan na lang kita. Malapit lang naman ang police station dito.”
Hindi kumilos si Ark. “We can still stay here. Sasamahan kita. Hanggang sa mawala ang takot mo. Hindi naman natin kailangang magmadali.”
“Mas mabilis tayong makaalis sa lugar na ito mas mabuti. Gusto ko na talagang makaalis dito.” Ilan pang pagdidiskusyon ang lumipas bago niya napapayag si Ark na bumaba. Pero hindi ito pumayag na siya ang susunod sa SUV nito. Nag-convoy sila hanggang sa presinto pero siya ang pinauna nito habang nakasunod ang sasakyan nito sa likuran ng kotse niya. 

MAAGANG-MAAGA kinabukasan, kahit wala pang apat na oras ang naitulog ay gumayak si Nollet para magtungo sa Flower Town. Gusto niyang makita at makausap si Nanay Enang. Ito na lang ang natitirang tao na itinuturing niyang human refuge. Nagsisilbing safe haven sa kanya ang matanda sa dagat ng mga problema at takot.
Kagabi pa niya ito gustong makita. Pero sa Flower Town ito natutulog kaya hindi sila magkasama.
Hindi naman sa hindi nagawa ni Ark na kalmahin ang mga takot sa puso niya kagabi. Ang totoo, sobra pa sa inaasahan niya ang ginawa nito. Sinamahan siya nito, niyakap at inalo habang takot na takot siya. Pinawi ng pagpapakalma nito ang pag-iyak niya. Tiniyak ng binata na maayos siya at napawi na ang takot na sandaling naghari sa dibdib niya habang pinipilit siyang bumaba ng patrol police sa kanyang kotse. Hindi siya iniwan ni Ark. Nakaalalay ito sa kanya habang nasa loob sila ng prisinto at isinasalaysay niya sa desk officer ang mga nangyari. Nakabuntot pa rin ito sa kanya hanggang sa makauwi siya. Hindi ito umalis hangga’t hindi nito nakikitang nasa loob na siya ng bahay.
Pero iba pa rin ang presensiya at pakikinig ng isang mother figure na tulad ni Nanay Enang. Dahil aaminin niya sa sarili, pagkatapos ng mga pagtulong na ginawa sa kanya ni Ark kagabi, unti-unti nang nabubuwag ang kanyang depensa. Kaya kailangan niya ng isang tao na magpapatatag ng kanyang loob.
Sa loob ng prisinto na nalaman ni Nollet na ang patrol police na humuli sa kanya ay hindi pala totoong pulis. Dati pala itong pulis na na-dishonorable discharge dahil sa maraming kaso ng paglabag sa batas tulad ng carnapping at extortion. Kailangan niya ang tulong ni Atty. Ponce para mapanagot sa batas ang pekeng pulis. Hindi siya titigil hangga’t hindi ito nakukulong.
Pipindutin pa lang ni Nollet ang door bell sa gate ng Flower Town nang bumukas iyon at lumitaw ang pupungas-pungas na si Chris. Nagulat ito nang makita siya.
“’Gandang umaga, Ma’am.”
“Good morning.” Napansin niya agad ang nanlalalim na mga mata nito. “Mukhang napuyat ka, ah.”
Mabilis na ibinuka nito ang dahon ng pedestrian gate para makapasok siya. “Oo nga, Ma’am. Kasi Ma’am, mula no’ng may muntik magsunog dito, nagrilyibu na ba Ma’am kami no’ng isang plorest. Nagpupuyat kami Ma’am, pagbabantay sa munitor. Kay mahirap na ba, Ma’am. Baka di kami nagmalay, malitson kami dito nang buhay. Piro day off ko ba kasi ngayon, Ma’am. Kay nag-bolonter na lang ako ba. Ako mag-isa nagbantay kagab-i.”
Ngumiti siya rito. “Salamat sa malasakit n’yo rito sa Flower Town, Chris. Natutuwa ako na pinapahalagahan n’yo ito.”
“Walang kaso ‘yon, Ma’am. Kasi ba, dito man kami nakatira. Dito ang tarbaho namin. Sige, Ma’am, bibili lang ako hot pandisal.”
Nagtaka siya kung bakit bibili pa ito ng tinapay sa labas. Marami siyang biniling loaf bread at Gardenia pandesal noong huling ipinag-grocery niya ang Flower Town. At sobra pa dapat iyon sa konsumo ng mga ito hanggang bukas.
Nagtuloy kaagad si Nollet sa kusina kung saan alam na doon matatagpuan si Nanay Enang tuwing ganoong oras. Pero wala roon ang matanda. Wala pang nailulutong almusal. Ang tanging naroon ay ang coffeepot na nasa ibabaw ng kitchen counter.
Nag-alala siya na baka may sakit ang matanda. Patungo na siya sa silid nito at ni Angie nang mapansin niya ang umaapaw na pedal trash bin. Nang tingnan niya ang laman ay pawang basyo ng beer in can at pinagbalatan ng chicharon. Sa pagkakaalam niya ay hindi umiinom si Chris dahil may allergy ito sa alak. Ang ibang mga tauhan naman nila roon ay umiinom lang kapag nag-day off at nasa labas ng shop. Lalo namang malabong uminom sina Angie at Nanay Enang. Nagkaroon ba ng bisita ang mga tao rito?
Kinatok ni Nollet ang silid na tinutulugan nina Angie, Nanay Enang at ng isa pang babaeng florist. Gulat na gulat siya nang ang magbukas ng pinto ay isang matangkad na lalaking maputi na ang buhok at nasa lampas-singkuwenta na ang edad. Pulos tattoo ang katawan nito na walang suot na pang-itaas. Napasigaw siya sa takot.

“WHAT REALLY happened. Tell me.”
Sumagap muna nang hangin si Nollet sa tanong na iyon ni Ark bago niya ito tingnan. Magkahalong pag-aalala at pang-aalo ang nasa mga mata nito. Sa katarantahan niya kanina matapos makaharap ang estrangherong tadtad ng tattoo sa katawan sa silid nina Nanay Enang at Angie ay napalabas siya ng Flower Town. Handa na sana siyang mag-dial sa hotline 8888. Hinabol lang siya ni Nanay Enang at pinagpaliwanagan. At bago siya umalis, bago pa man siya mag-isip, namalayan na lang niya na tinatawagan niya si Ark. Kaya ngayon ay naroon sila sa isang ampitheater. Doon sila napadpad dahil ayaw muna niyang manatili sa isang kulong na lugar. Pagkatapos ng mga pinakahuling nangyari sa kanya, mas mapapanatag siya kung mananatili muna sa isang lugar na may open space. “Nakakahiya talaga ‘yong naging reaksiyon ko kanina. Ang lakas ng tili ko. Daig ko pa ang nakakita ng monster pagkakita ko doon sa lalaking nagbukas ng kuwarto nina Nanay Enang.”
“Nollet, don’t be hard on yourself. Kagabi lang muntik ka nang mapahamak. At kahit mukhang okay ka na no’ng bago tayo maghiwalay kagabi, alam ko, na-trauma ka doon sa nangyari. Kaya hindi na ako magtataka na ganoon ang maging reaksiyon mo.”
“Pero kahit na. Naisip ko sana na galing sa loob ng bahay si Chris at may iba pang tauhan ang flower shop na nandoon.”
“Sino nga ba daw talaga ‘yong taong ‘yon?”
“Asawa daw ni Nanay Enang.”
“Akala ko ba patay na ang asawa niya?”
“Oo. Pero nag-asawa pala siya uli. Diyan nga kay Mang Celso. Kaso lang nakulong. Kalalaya lang daw.”
“I’m not a snob. Pero para sa ikatatahimik ng isip mo at ng mga tauhan mo na nakatira sa flower shop, hindi dapat mag-stay doon ang asawa ni Nanay Enang.”
Nagbuntong-hininga na naman siya. “Ayoko sanang mawala si Nanay Enang.”
“Pero hindi siya naging matapat sa iyo.”
Napaluha na siya sa puntong iyon. “Bakit ba gano’n? Lahat na lang ng taong minamahal at pinagkakatiwalaan ko, nawawala sa akin. Si Mommy, si Enrique... Si Nanay Enang naman ngayon.”
“Nollet, kahit ganito ang mga nangyayari sa paligid mo, hindi ka pa rin nag-iisa. Kahit ayaw mo sa akin, kahit lagi mo pa rin akong itinataboy, hindi ako aalis sa buhay mo. Nandito lang ako. Hindi ako mawawala kahit naaalala mo lang akong hingan ng tulong kapag wala kang ibang taong matawagan.”
Napahinto siya sa sinabi ni Ark. That hit a nerve. Totoo nga naman ang sinasabi nito. Under normal circumstantces, hindi ito ang hihingan niya ng tulong. Dahil ni hindi nga niya itinuturing na kaibigan ito. Pero hindi pa nga ba? Ano na nga ba sila?
“What will happen now? Will you keep Nanay Enang? O paaalisin mo na siya sa flower shop?”
“Hindi ko alam. Naguguluhan pa ako kung ano ang dapat kong gawin. Kapag pinayagan kong mag-stay sila sa shop, baka magkawala naman ang ibang mga tauhan doon. Nag-uwian daw sina Angie sa kanya-kanya nilang bahay kagabi dahil nga doon natulog sa kuwarto nila ang asawa ni Nanay Enang.”
“Ayokong ma-pressure ka pero kailangan mo nang mag-decide bago matapos ang araw na ito.”
Nagpahugot siya ng malalim na paghinga. She was torn between two decisions. “Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, anong gagawin mo?” tanong niya kay Ark pagkaraan ng mahabang sandali.
“Gagawin ko ang disiyon kung saan kayo mas magiging ligtas ng mga tauhan mo sa shop.”
Nasapo niya ng dalawang kamay ang mukha. Tama ang binata. Kailangan na niyang magpasya. And she knew whatever decision she would come up with, it would definitely left her with a heavy heart.
Naramdaman ni Nollet ang pag-akbay ni Ark. Hinapit siya nito. “Alam kong mahirap para sa iyo na gawin ito. Pero kung ano man ang disisyon na gagawin mo, gusto kong isipin mong kakampi mo ako. Susuportahan kita. Tutulungan kita hanggang sa makakaya ko. Nandito lang ako, Nollet. You only have to call.”
Nakalma agad ang kalooban niya sa mga sinabi nito. Dama niya ang sinseridad sa mga salitang binitiwan ni Ark. At ng mga sandaling iyon, gusto niyang panghawakan ang lahat ng mga sinabi nito. Kung mawawala man sa kanya si Nanay Enang, it was comforting to know that Ark was another refuge she could turn to.

“NAGKAGALIT KAMI noong bago siya malitis at makulong. Ang intindi ko, wala na kami. Hindi ako dumalaw sa kanya sa kulungan kahit minsan. Kasi para sa akin, wala na kami. Tutal naman, habangbuhay ang sintensiya niya.” Nangingilid ang luha ni Nanay Enang habang nakukuwento kay Nollet. Sinadya niya na kausapin ito na sila lang dalawa ang makakarinig. “Kaya hindi ko na sinabi sa iyo ang tungkol sa kanya noong kupkupin mo ako rito...”
Kinausap niya ang matanda. Gusto niyang marinig ang malinaw na paliwanag nito kung bakit hindi ipinaalam sa kanya na may pangalawa pala itong asawa na nakakulong. May natitira pang kaunting pag-asa sa puso niya na hindi niya kailangang paalisin si Nanay Enang.
“Hindi ko alam na mabibigyan siya ng parole sa Bilibid. Hinanap niya ako paglabas niya. At nang matagpuan niya ako, nakiusap siya sa akin na magsama kami uli. Nagbago na daw siya. Panibagong pagkakataon lang daw ang kailangan niya para magpatuloy. Naawa naman ako. Kaya pinatuloy ko muna siya sa shop habang nag-iisip kung saan kami puwedeng tumira.”
“Ano po ba ang naging kaso ni Mang Celso bago siya nakulong?”
“N-napagbintangan siyang puser ng droga noon.”
Napalunok si Nollet. May war on drugs ngayon sa Pilipinas. Hindi kaya pati ang isang dating convicted drug pusher na nagsilbi na ng sintensiya sa kulungan ay mabiktima rin ng mga nangyayaring extra-judicial killings sa kasalukuyan? She mentally shook her head. Napa-paranoid na yata siya. Kung saan na nakapaglakbay ang isip niya.
“Pero nabuksan daw ulit ang kaso niya dahil doon sa isang kasama niyang hinuli noon. Hindi ko ga’nong maintindihan ang kuwento sa akin ni Celso kung bakit siya napalaya. Basta ang sabi niya sa akin, wala naman daw talaga siyang kasalanan.”
“’Nay Enang, kung magsasama po uli kayo ni Mang Celso, ano po ang magiging trabaho niya para kayo mabuhay?”
Hindi agad ito nakakibo. “Ang sabi niya sa akin, susubukan niyang lumapit sa mga dati niyang kakilala para matulungan siyang magtrabaho. Pansamantala, habang hindi pa siya nakakakita ng mapapasukan... ako muna ang bubuhay sa aming dalawa.”                 
Habang nakatingin siya sa apologetic na matanda, umaandar naman ang utak niya sa mga posibilidad.
“Patawarin mo sana ako, anak. Alam ko na hindi mo nagustuhan ang ginawa ko. Napasama ko siguro ang loob mo. Isipin na lang na natakot ka pa kanina pagkakita mo sa kanya. Ang totoo niyan, hindi ko gustong magtago sa iyo. Nagkataon lang na mas pinili ko na itago si Celso sa nakaraan ko dahil akala ko hindi na siya babalik.”
“Naiintindihan ko po kayo, ‘Nay. Pero sana, maintindihan din po ninyo ako kung hindi ko puwedeng kupkupin din sa shop ang asawa ninyo.”
Nalungkot ito. “Nauunawaan kita. Hayaan mo. Kakausapin ko si Celso. Sasabihin ko na dumuon muna sa bahay ng kumpare niya na tinigilan niya noong pagkalabas niya sa Bilibid.”
Naaawa si Nollet sa mga ito pero dapat din niyang isipin ang kapakanan ng mas nakararami. “Gusto ko po muna sanang makausap siya bago ninyo kausapin, ‘Nay.”
“Ikaw ang bahala, anak.”
Nang makausap niya si Mang Celso ay tinanong niya kung ano ang mga skills nito. Tinanong din niya rito ang mga tinanong niya kay Nanay Enang kanina. Batay sa mga sagot nito, sa palagay niya ay matinong tao naman ang lalaki.

“TAHIMIK KA pero alam ko, against ka sa naging disisyon ko,” sabi ni Nollet kay Ark. Binalikan siya nito sa shop bago gumabi. Ihahatid daw siya nito sa bahay sa tonong hindi siya maaaring tumanggi. Tinanong agad nito kung naroon pa si Mang Celso. Halata sa ekspresyon ng mukha na hindi ito magiging pabor kung sasabihin niya na naroon pa. Kaya sinabi niya kaagad ang naging disisyon niya. Patitirahin niya si Mang Celso at Nanay Enang sa bakanteng apartment unit na isa sa mga pinauupahan niya sa Pasong Tamo.
“Nakita mo naman na tadtad ng tattoo ‘yong Mang Celso. At alam mo rin na likas sa tao na maging judgmental. Kapag nakita siya ng iba mo pang mga tenants doon, baka katakutan nila. Baka dahil doon mag-alisan ang mga tenants mo. Lalo na ‘yong medtech doon na si Pura.  ‘Yong madaldal na matandang dalaga.”
Nagulat si Nollet na kilala nito ang tenant niya. “Paano mo-”
Napahagod ito sa batok at naglihis ng tingin. “Nakakahiya mang aminin pero alam mo naman, di ba? Naging stalker mo ‘ko noong mga panahon na killer virus ang tingin mo sa akin at ayaw mo akong palapitin sa iyo.”
Siya naman ang hindi makatingin kay Ark. Nakakahiya na pagkatapos ng mga pagtanggi niya rito ay kusa pa rin itong lumalapit para siya tulungan. “Kaya nga sasamahan ko sila sa paglipat. Kakausapin ko din ‘yong mga tenants. Doon lang kasi may maluwag na space. Puwedeng maging work yard ni Mang Celso ang garahe.” Sa pag-uusap nila ay nalaman niya na marunong itong gumawa ng bags at handicrafts mula sa kahit na anong materials. Kaya nangako siya na mamumuhunan para sa mga plano nitong gawin at simulan. “Gusto ko lang naman na bigyan ‘yong tao ng pagkakataon na mapatunayan na nagbago na siya. Kung walang magtitiwala sa kanya, baka kapag nagipit siya, bumalik ulit sa masamang gawain.”
“Basta huwag ka lang pupunta doon kung mag-isa ka lang. Dapat lagi kang may kasama.”
Kumunot ang noo niya rito. “Sabi mo hindi ka snob?”
“Oo pero marunong akong magduda sa isang taong bukod sa nakulong ay hindi natin totoong kilala ang pagkatao. I mean, ano lang ba ang alam natin kay Mang Celso bukod sa pangalan? ‘Yong lang information na galing kay Nanay Enang, di ba? At matagal silang naghiwalay. Did she know what have become of her husband for the past years na magkalayo sila? Hindi, di ba? Dahil hindi nga daw niya dinalaw sa kulungan kahit minsan. Paano kung may hold pa rin kay Mang Celso ang drug personalities na kasama niyang nasangkot sa dating kaso niya?”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro