A Second Chance
CHAPTER 8
NAKADAMA NG takot si Nollet sa sinabi ni Ark. Hindi niya maaaring itanggi ang posibilidad na sinasabi ng binata. Paano nga kung hindi talaga ito inosente sa naging kaso at hawak pala ito ng supplier ng droga? “Hindi ko puwedeng iparamdam kay Mang Celso na pinagdududahan ko siya.”
“Tama ka,” sagot naman ni Ark. “Pero dapat mo ding pag-ingatan ang sarili mo, ang mga tauhan mo sa shop pati tenants mo.”
Hindi masalungat ni Nollet ang mga sinabi ng binata. Dapat niyang kilalanin na may katwiran din ito. Pero mas malakas ang udyok sa kanya na tulungan nang lubos ang ex-convict alang-alang man lang kay Nanay Enang na itinuring na niyang pangalawang ina. Besides, she was convinced of tha fact that everybody deserves a second chance.
ISANG HAPON, bago lumubog ang araw, naisipan ni Nollet na dalhan ng groceries ang mag-asawang Celso at Enang sa apartment. Kasama niya noon si Angie. Gusto raw nitong pumili mula sa mga bag na tinahi ni Mang Celso.
Malapit na sila sa apartment nang makita niya ang paglabas sa unit ng isang lalaki na marahil kasing edad lang ni Mang Celso. Maayos ang bihis nito pati ang pangangatawan. Binagalan niya ang pagpapatakbo ng kotse nang makita niyang tumawid ang lalaki sa kabilang panig ng kalsada. Sumakay ito sa isang itim na SUV.
“Aba, mukhang yayamanin ang bisita nina Nanay Enang, ah,” sabi ni Angie na nakatingin din pala sa tinitingnan niya.
Hinintay muna niyang makalayo ang SUV bago pausarin ang kotse. Binanggit niya ang lalaking nanggaling doon nang makaharap na niya si Mang Celso.
“Ah, kumpare ko ‘yon,” sagot ng lalaki. “Siya ang unang nagpatuloy sa akin pagkagaling ko sa ‘loob’. Siya din ang hiningan ko ng tulong para mahanap ko si Enang.”
“Bigatin po pala ang kumpare ninyo, Mang Celso,” sabad ni Angie na nagsimula nang pumili mula sa mga shoulder bags na natahi na ng lalaki. “SUV ang wheels.”
“Masikap kasi ang kumpare kong iyon. Saka mabait at matulungin. Parang itong si Nollet din.”
Sa kabila ng mga sinabi ni Mang Celso, hindi maintindihan ni Nollet kung bakit hindi siya mapalagay. “Ano po ba’ng trabaho ng kumpare ninyo?”
“Buy and sell.”
“Ng mga sasakyan po ba?”
“Ng kung ano-ano. Mula sa mga bote’t diyaryo hanggang sa mga appliances.”
Naagaw ang pansin niya nang magsalita si Angie.
“Ito ang bibilhin ko, Ate Nollet,” anito sa hawak na bag. Hanggang sa makaalis sila ni Angie sa apartment ay ayaw pa ring mawala ang kutob niya. Paano kung ang kumpare na iyon ni Mang Celso ang supplier ng droga na dating itinutulak nito?
“AALIS KA?” Hindi maitago ni Nollet ang pangamba sa tono niya nang sabihin ni Ark na may isang linggo itong mawawala. “Saan ka pupunta? Out-of-town ba? Sa abroad?” Kanina lang ay kausap niya si Ivony sa telepono. Nagpapaalam din ang kaibigan niya. Magbabakasyon muna raw ito sa Bataan hanggang sa makapanganak ito. Maselan ang pagbubuntis ng kaibigan niya kaya pinayagan na ng asawa na magbakasyon muna sa poder ng adoptive mother nito. Nalungkot si Nollet na wala na siyang mabibisitang kaibigan kapag kailangan niya ng ngiti at encouragement nito. Baka abutin ng tatlong buwan o higit pa ang pananatili ni Ivony sa probinsiya. Nangako naman ito na madalas siyang ibi-video call para daw makita niya ang progress nito.
Ngumiti si Ark. Bahagya lang pero halatang natuwa ito nang husto. “Sa Bali. Dapat sana magtatalon ako sa tuwa sa reaction mo na ‘yan. Pero alam ko naman, hindi mo ako mami-miss kahit umalis ako. Ganyan ka lang kasi may kinatatakutan ka at kailangan mo ng bodyguard o ng tao na magpoprotekta sa iyo kapag may panganib.” Nagkibit-balikat pa ito. “Okay na rin. Na makita mo ako bilang protector mo. Kahit ayaw mo pa rin sa akin. At least you need me for something.”
Bumuka ang bibig niya para salungatin ang sinasabi nito. Dahil hindi na yata totoo na ayaw pa rin niya dito. Oo nga at unti-unti, namalayan na lang niya na nagiging dependent na siya kay Ark para siya ingatan. Isang protector na nga ang tingin niya rito. Pero kasabay noon ay may iba pa siyang nararamdaman. Parang ayaw na niyang mawala ito sa paningin niya. Higit sa pangangailangan niya kay Ark ay mas ibig niya na siya ang maging pangangailangan para dito. “P-pero...”
“Don’t worry. I’ve got you covered. Kahit wala ako rito, magiging safe ka. Sisiguruhin ko ‘yon.”
Hindi pa rin mapanatag ang kalooban ni Nollet sa sinabi nito. “May bumisita kay Mang Celso sa apartment kahapon,” bigla na lang niyang naibulalas. “Kumpare daw niya. Naka-SUV.”
“Alam ko.”
“Alam mo?” tanong niya, takang-taka.
“I told you, I got you covered. Kahit wala ako, may mga mata na magbabantay sa iyo. Hindi kita puwedeng pabayaan. Sobrang mahalaga ka sa akin, Nollet.”
Napabuntong-hininga si Nollet. “Hindi mo dapat ako pinahahalagahan nang sobra-sobra.”
“Here we go again.” Inilahad nito ang mga kamay na parang napapagod na. “Nollet, aalis ako. Hindi ba puwedeng pabaunan mo naman ako ng ‘Ingat ka’ at ‘Von voyage.’ Kahit ‘yon man lang. Hindi ko na hihingin sa iyo na sabihin mong ‘I’ll miss you’ o ‘I’ll wait for you.’ Kasi baka kahit ako hindi maniwala.”
“Inaaway mo ba ako?”
“Pinapaalalahanan ko lang ang sarili ko. In case na malunod ako sa pag-aalala na nakita ko sa mga mata mo kanina. Kanina na nalaman mong aalis ako. Kasi naman kahit laging butata, asa pa rin ako ng asa.” Mas mahina na ang boses nito sa huling sinabi na para bang sarili lang ang kinakausap nito.
Nollet quash a smile despite herself.
“Huwag mo nang alalahanin ang Kumpareng Dodie ni Mang Celso. Mabait ang taong ‘yon. Matulungin.”
Nanlaki ang mga mata ni Nollet. “Paano mo nalaman ‘yon?”
Parang nahuli sa pang-uumit na nakagat nito ang labi.
“Hindi man lang nasabi sa akin ni Mang Celso ang pangalan ng kumpare niya. Pero ikaw, saan mo nalaman ang tungkol sa taong ‘yon?”
Dalawang kamay ang iminasahe ni Ark sa batok. “I’m sorry, Nollet. Hindi ko nasabi sa iyo na mula nang lumitaw ang Mang Celso na ‘yan, pinasubaybayan ko na siya pati na lahat ng mga taong nakakausap niya. I can’t help it. Hindi kasi ako mapalagay na may access na sa iyo at sa mga tao mo ang isang kagaya niya. Ayokong isa-isahin ang mga possibility.”
“Hindi ako makapaniwala na magagawa mo ‘to,” aniya na napapailing. “Kung sabagay, hindi na nga pala ako dapat magulat. Ilang buwan din kitang naging stalker.”
“Sorry. Huwag ka nang magalit. Ikaw lang naman ang iniisip ko. Kaya kung may magagawa ako para makasiguro na walang mangyayaring masama sa iyo, gagawin ko.”
Ang totoo hindi naman siya galit kay Ark. Naninibago lang siya na ma-invade ang privacy niya. Sa kabilang banda, mas napanatag ang loob niyang malaman na nakasubaybay ito at pinasusubaybayan din siya sa iba. “Baka hindi na ako makabayad ng utang sa iyo n’yan.”
Napangiti na si Ark. “Hindi naman ako naniningil. Okay nang bayad ‘yong ganito na kinakausap mo na ako at hindi na gaanong pinagtatabuyan.”
Natawa na rin siya. “Grabe ka.”
“I have to go now. Mami-miss kita, Nollet,” paalam nito habang nakatitig na sa mga mata niya. “How I wish na may pabaon kang kiss at tight hug sa akin. But of course, suntok sa buwan ang wish na ‘yon.”
Idinaan na lang niya sa tawa ang sagot. Nahihirapan na siyang tagalan ang titig ng binata. “Von voyage.”
Natawa ito. Inilahad ang mga kamay. “Sabi na nga ba. Sige, ‘bye for now, my sweet. I shall return,” dagdag pang biro nito bago humakbang palayo.
“I’ll wait for you, Ark.”
Nasa labas na ito ng gate ay muli pang napabalik. “What did you just say?”
“Umuwi ka na,” tumatawang utos niya. “Mag-eempake ka pa.”
Napailing ito. “Must you say that to me when I’m about to leave?” Lumapit pa ito nang husto sa kanya dahilan para siya mapaatras.
“Umuwi ka na nga,” sabi niya, tumatawa pa rin.
“Paano ba ako uuwi kung ganyan ka ka-cute tumawa.”
“Ay, grabe sha!”
“’Yang cute smile mo plus ‘yong ‘I’ll wait for you’ mo sa akin— definitely isasama ko sa pag-eempake ng mga dadalhin ko.”
Bigla niyang naiiwas ang tingin. Habang tumatagal kasi, nag-i-intensify ang kilig niya na ayaw magpaawat. Alam ni Nollet na kung gusto niyang bumalik sa dating katahimikan ang buhay niya, hindi niya dapat ine-entertain ang mga emosyon na dinadala sa kanya ng mere presence ni Ark.
“Anong pasalubong ba ang gusto mong dalhin ko sa iyo pagbalik ko?”
Umiling siya. “Just be safe.” Nakawala na sa bibig niya ang mga salita bago niya napigilan.
Ang sumunod na ginawa ni Ark ang nagpayanig sa kanya. Kinabig siya nito at ginawaran ng maingat na halik sa pagitan ng mga mata. “Ako dapat ang nagsasabi niyan sa iyo...” anas nito pagkatapos. “Be safe for me, Nollet... Take care.”
Kung hindi pa lumabas doon ang housekeeper na si Ida ay hindi pa kakalas at aalis si Ark.
Nakaramdam agad si Nollet ng lungkot nang wala na roon ang binata. Ngayon pa lang ay nami-miss na niya ang init at pakiramdam ng mayakap nito at madampian ng halik sa kanyang noo. She was beginning to grow fond of him. At hindi muna niya pipigilan ang sarili.
NAPAPITLAG SI Nollet nang biglang may bumalibag sa ibabaw ng mesa ng restaurant na pinaghihintayan niya. Isang LV zippy organizer iyon at pagtingala niya ay ang madilim na mukha ni Monina ang sumalubong sa kanya.
“Ang kakapal din ng mukha ninyo ng Rida na ‘yon! Sinusustentuhan mo pa pala sila ng bastardo niya! Hanggang ngayon pala hinuhuthot ng babaeng ‘yon ang pera ng asawa ko!” Maingay na talak nito.
Imbes na makadama ng takot ay magkahalong iritasyon at pagkahiya sa mga tao sa paligid ang naramdaman ni Nollet. Kumalma lang siya at tinatagan ang sarili. “Wala kang pakialam kung saan dapat o hindi dapat mapunta ang perang naiwan ni Enrique. Ex-wife ka lang. Years ago pa kayo natapos ni Enrique kaya wala kang karapatan sa kahit na anong naiwan niya. At kung hindi mo kami tatantanan ni Rida sa panggugulo, mapipilitan akong kumuha ng restraining order sa korte para hindi ka na makalapit sa amin kahit kailan.”
“Hah! Ang yabang mo nang magsalita ngayon! Eh pareho lang naman kayo ni Rida! Pareho kayong kab-”
Napatayo na siya. “Ituloy mo ang sinasabi mo at isusupalpal ko mismo sa madumi mong bunganga ang marriage certificate namin ni Enrique!”
Nagtatagis ang mga ngipin ni Monina. “Hindi ko alam kung ano ang ipinakain mo sa asawa ko para ka pakasalan!”
“Pasalamatan mo na lang ako na kahit matagal na kayong hiwalay, napakiusapan ko siya na pamanahan ka.”
“At magkano lang ba ang ibinigay niya sa akin? Ano ‘yon, limos? Samantalang kayo ni Rida ang nagpapasasa sa mas malaking kayamanan na naiwan ng asawa ko!”
Sinenyasan niya ang security personnel ng restaurant na nakatingin sa kanila na parang naghihintay lang ng utos. Agad namang lumapit ang mga ito at inilabas ang nagwawalang ginang.
Napaupong muli si Nollet nang wala na ito. Isinubsob niya sa mga palad ang mukha. Sasaglit lang ang pangyayaring iyon but she felt drained. Magkikita sila dapat doon ni Rida pero imbes na ito ay si Monina ang dumating.
“Are you okay?”
Pagtingala niya ay ang nag-aalalang mukha ni Ark ang nakita niya. Sa labis yatang katuwaan na makakita ng kakampi ay napatayo siya at hangos na yumakap dito. “Nakabalik ka na pala. Oo, o-okay na ako.” Mahigpit ang yakapan nila ni Ark. Lahat ng takot at pag-aalala na naipon sa dibdib niya dahil sa ginawa ni Monina ay unti-unting naglaho habang nakapaloob siya sa mga bisig at dibdib nito. Noon naman tumulo ang luha niya. Hindi niya mapigilan. Sunud-sunod. Ayaw paawat. Siguro dahil sa wakas ay parang lobong nabutas ang naipong tensiyon sa dibdib niya sa kanilang komprontasyon ni Monina. At habang umiiyak siya, panay naman ang hagod ni Ark sa ulo niya at likod.
“I saw what happened. Pinigilan ko lang ang sarili ko na kaladkarin palayo sa iyo ang babaeng ‘yon. Pero kung hinawakan ka man lang niya kanina, hindi ko alam kung ano ang magagawa ko sa kanya. I guess that’s enough. Naging sobrang bait mo sa kanya kaya paborito kang i-bully. I was just wondering, ano pa ba ang hinahabol niya sa namatay niyang ex-husband para maging obsessed siya na pahirapan kayo no’ng Rida. At totoo ba na ikinasal kayo ng ex niya?”
Napakalas na si Nollet sa puntong iyon. Para siyang biglang nagising sa katotohanan. Sa loob ng yakap ni Ark ay nakalimutan niya kung sino siya at kung ano ang kanyang dark past. “H-hindi.”
“LIVE WITH me, Nollet. Napakalungkot ng mag-isa lalo na sa napakalaking bahay na ito. At kung may isang tao man ako na gustong makasama rito, ikaw lang ‘yon.”
Unawang ang mga labi ni Nollet sa sinabi ni Enrique. Naroon sila sa master’s bedroom ng mansiyon nito. Katatapos lang nilang magniig. Gaya ng dati, tuwing magkakasama sila nito ay madalas na may nangyayari. Kahit sinasabi ng konsensiya niya na maling makipag-sex sa isang taong hindi pa niya asawa, pirming nadadaig siya ng damdamin para kay Enrique. “You mean... m-magli-live in tayo?”
“Oo. Parang gano’n na rin naman ang suma natin, di ba?” Ngumiti ito, isang knowing smile na nangangahulugan ng kanilang kinahulugang affair.
Pero hindi niya inaasahan na yayayain lang siyang mag-live-in ni Enrique. Oo nga at sa labis na pagmamahal niya rito, nagawa niyang ipagkaloob ang sarili nang wala itong malinaw na commitment sa kanya – pero ang makipag-live in?
Naglaho ang ngiti ni Enrique nang hindi pa rin siya makasagot. Inakbayan siya nito. “You love me, too, right?”
Tumango siya.
“So what’s the problem? Wala ka naman nang relatives na kokontra kung papayag ka na magsama na tayo.”
“K-kaya ba hindi mo ako... kaya ba wala kang sinasabi tungkol sa k-kasal?”
“Kasal?” Tumawa ito na para bang napaka-absurd ng sinabi niya. At nasaktan siya sa reaksiyon nito. “Nagpakasal ako noon kay Monina, di ba? After five years of living together, I married her. Pero ano ang nangyari? At the seventh year of our marriage iniputan niya ako sa ulo. Kaya hindi na ako naniniwala sa kasal. Dahil kapag nagsawa na ang dalawang tao sa kanilang pagsasama, there is always a tendency to look for a new love. Kagaya ng ginawa ni Monina.”
“And in my case, a new conquest, gano’n ba?” masama ang loob na sabi ni Nollet. Nangangahulugan lang iyon na hindi ganoon kalalim ang pagmamahal nito sa kanya.
“Ah, siyempre iba ka. I got hooked on you the first time I saw you smile at me. Sinabi ko noon sa sarili ko na hindi ako titigil hangga’t hindi kita napapasagot.” Pinatakan nito ng halik ang kanyang bibig. “Mahal natin ngayon ang isa’t isa. Who knows kung hanggang kailan? Mas mabuti na ang ganito lang. Walang mga legal impediments kapag nagkaproblema balang-araw.”
Dahil mahal na mahal niya si Enrique, mas nanaig ang damdamin niya kaysa konsensiya. Kinonsola na lang niya ang sarili na mahal siya ngayon ni Enrique. Iyon ang mahalaga. Iyon ang panghahawakan niya. Nagsama sila na parang mag-asawa kahit walang kasal.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro