A Future With You
CHAPTER 10
DALAWANG ORAS na ang lumilipas ay hindi pa rin binibitiwan ni Monina si Nollet. Worse, pinaalis pa roon ng matrona si Ark. Ang natira lamang doon ay ang babaeng peace negotiator ng PNP at ang takot na takot na si Ida na siyang tagakuha ng kung ano man ang gustong ipakuha ng matrona gaya ng tubig.
Ngayon lang nakadama ng matinding takot si Ark sa buong buhay niya. At alalang-alala siya sa takot na makikita sa mukha ng umiiyak na si Nollet.
Nalaman niya mula sa bibig ni Monina kung bakit nito hinostage ang dalaga. Maling pangalan daw nang ipinirma ni Nollet sa mga papeles na naglilipat ng isang property ng dalaga sa pangalan ng matrona.
Batay sa paraan ng pagsasalita ni Monina, sa palagay niya ay may diperensiya na ito sa utak. Kaya nga nang pagalit na ipagtabuyan siya nito palabas ng bahay ni Nollet ay sumunod na lang siya. Alam niya na hindi sasantuhin ang dalaga ng nakatutok ditong point thirty eight caliber handgun.
Pero hindi niya hihintayin na lang ang kapahamakan ng babaeng mahal niya nang nakaupo lamang. Kaya ngayon, sa tulong ng ilang barangay officer, naglagay sila ng mahabang hagdan sa likuran ng bahay ni Nollet para makatawid siya sa mataas na bakod at makasampa sa bakal na fire escape patungo sa second floor ng bahay. Kinailangan niyang idistrungka ang mga bisagra ng pintuan sa terrace sa itaas.
Parang napakahabang oras na ang naubos niya nang wakas ay makapasok siya sa loob. Awang-awa siya kay Nollet na halos isadlak ang sarili sa banister dahil sa labis na pagod. Pero inalis niya agad ang tingin dito. Kailangan niyang mag-focus. Kung pagod na si Nollet, siguradong mas pagod na ang mas mabigat at may katabaang matrona.
Marahang-marahan, lumapit si Ark sa kinaroroonan ng dalawa. Hindi niya gaanong mabistahan ang pagkakatutok ng baril sa leeg ni Nollet. Nag-aalala siya na baka biglang lumingon ang matrona at makita siya. Mabuti na lang at nahahati ang pansin nito kay Nollet at sa babaeng negotiator.
Umuklo si Ark nang mas mababa pa at nang masilip niya ang posisyon ng kamay na may hawak ng baril ng matrona, bumwelo siya para bayuhin ang siko nito. Umigkas palayo ang kamay nito at umalingawngaw ang putok ng baril.
NAKAHINTO NA ang kotseng sinasakyan nina Ark at Nollet sa tapat ng bahay ng dalaga ngunit hindi pa rin niya magawa na gisingin ito. Nakatulog na ito dahil sa labis na kapaguran.
Galing sila sa ospital. Tinawagan sila ng isa sa mga pulis na nagsugod doon kay Monina. Inatake ito kanina matapos makipag-agawan ng baril sa kanya.
Akala ni Ark kanina ay nadulas lang ito sa hagdan kaya nahulog habang nakikipag-agawan ng baril sa kanya. Pero naalerto ang mga nakasilip na pulis nang makitang naninigas ito. Ang mga ito na ang nagsugod kay Monina sa ospital.
Sumunod na rin sila ni Nollet doon. Nagka-trauma ang dalaga dahil sa nangyari. Mabuti na lang at nakakasagot pa rin ito sa mga tanong ng pulis na kumuha ng statement sa kanila habang nasa ospital.
“Sir Ark, gisingin n’yo na po si Ate Nollet,” sabi ni Ida na nakaupo sa backseat. Kagaya ni Nollet ay sumailalim din ito sa stress debriefing sa ospital. “Nandito na po tayo.”
Nauntag siya. Kasabay noon ay bumukas ang gate at nakita niyang sumungaw si Nanay Enang at si Angie.
Imbes na gisingin ay binuhat ni Ark si Nollet. Dinala niya ito sa silid. Nakiusap siya kay Nanay Enang na ipagluto ng soup ang dalaga na katulad niya ay hindi pa rin naghahapunan.
“Maraming salamat sa pagliligtas at pag-aasikaso mo kay Nollet,” sabi nito sa kanya nang ipasok na sa silid ng dalaga ang tray na may lamang mangkok at thermo jar na naglalaman ng sopas. “Alam ko na nahihirapan kang ligawan siya. Pero sana, huwag ka lamang susuko.”
“Malayo po sa isip ko ang sumuko, Nanay Enang,” sagot ni Ark. “Hindi ko po isusuko ang pagmamahal ko sa kanya.”
NAPAKISLOT SI Nollet. Naalimpungatan siya mula sa mahimbing na pagkakatulog. Pagdilat niya, si Ark agad ang nakita niya. Nakahiga ito sa couch na malapit sa paanan ng kama, fetal position. Hindi kayang i-accomodate ng couch ang mahabang biyas nito.
Habang nakatitig siya sa payapang pagtulog nito, bumalik sa isip niya ang nangyari kanina. Iniligtas na naman ni Ark ang kanyang buhay. Pang-ilan na nga ba iyon? Pinangatawanan na talaga nito ang pagiging protektor niya.
Guwapo talaga ito. Deep-set ang mga mata. Makapal ang mga kilay nito na maayos ang pagkakatubo. Pero ang pinakagusto niyang feature sa mukha nito ay ang matangos na ilong.
Kanina, nagising na siya habang inilalabas siya nito sa kotse. Pero hinayaan niyang isipin nito na tulog siya. Pagkatapos ng mga nangyari, mas gusto niyang nasa malapit lang ito. Mas gusto niya na nakikita ito. Nararamdaman. She felt loved everytime he is around. O kahit kapag tinatawagan siya nito sa phone. Kaya siguro nahulog siya rito. Hulog na hulog.
She had fallen in love without taking a step... Without lifting a finger. And to deny it was utter stupidity.
Bumangon si Nollet at nilapitan si Ark. Naupo siya sa sahig at dumikit sa gilid ng couch. Nagkalapit ang mga mukha nila. Naakit siya na tuntunin ang katangusan ng ilong nito, marahang-marahan lang. Ibang-iba ito kay Enrique. Mas lamang ang pagiging selfish ng huli kaysa pagiging selfless. Kabaliktaran ni Ark na itataya pati sariling buhay para sa kaligtasan niya.
Nang dumako ang daliri niya sa dulo ng ilong ni Ark, nagulat na lang siya nang biglang dumilat ito.
“Hey,” sabi nito sa maaligasgas na tinig at ngumiti.
Ngumiti rin si Nollet. “Hey.” Nagtap ang hintuturo niya sa tuktok ng ilong nito.
Hinuli naman nito ang kamay niya at pinisil. “Are you okay?”
Tumango siya. “You made sure that I’ll be okay. Thank you.”
“You hungry?”
Tumango ulit siya.
Mabilis na bumangon si Ark at sinalinan ng sopas ang mangkok na nasa ibabaw ng side table at dinala sa kanya.
Natuwa siya na chicken macaroni soup iyon. Nakakabusog pero madaling kainin. Wala siyang ganang kumain pero nagugutom na siya. Wala pa siyang balak lumabas ng silid. Gusto muna niyang magpahinga at namnamin ang pagkakataon na magkasama sila ni Ark sa iisang silid. Habang kumakain siya ay sinusubuan din niya ito. At sa kabila ng nangyaring panganib sa kanila kanina, nakikita niya ngayon sa mga mata ni Ark ang kaligayahan na ngayon pa lang niya nakita rito.
“Ang dami mo nang naitulong sa akin,” sabi niya sa pagitan ng kanilang pagsusubuan. “Ang dami ko nang utang na loob sa iyo. Hindi na yata ako makakabayad.”
Tumawa ito. “Hindi naman binabayaran ang utang na loob, ah. You just pay it forward to whomever fate brings to your path.”
“Pero hindi ka naman basta tumulong lang sa akin. You’ve gone out of your way to protect and help me.”
“Normal lang iyon sa isang taong nagmamahal.”
Saglit na hindi siya nakapagsalita. Kumakabog nang malakas ang dibdib niya. Bakit ba kapag ito ang nagsasabing mahal siya, hindi siya nagdadalawang-isip na paniwalaan? “Salamat, Ark.”
“Wala ‘yon. Higit pa do’n gagawin ko para sa iyo. I can’t help it. Mahal kita, eh.” Tumutok ang tingin ni Ark sa mga mata niya. At nilukuban siya ng dagsa-dagsang kilabot.
“Mahal din kita,” naiiyak na pahayag ni Nollet. “Ang hirap mo kasing hindi mahalin, eh. Ang bait-bait mo sa akin.”
Inalis nito sa kandungan niya ang tray ng nasimot na sopas. Nang bumalik ito ay hinawakan ang kanyang mga kamay at itinayo siya. Nakatutok na naman ang mga mata nito sa kanya na parang sumasamba. “Sa ngayon, kontento na ako do’n. Na minahal mo ako dahil nababaitan ka sa akin. At least, hindi mo na sinasabi ngayon na kahit ga-butil ng buhangin, wala akong aasahan sa pagmamahal mo.” Ngumiti ito at pinisil nang marahan ang baba niya bago muling hawakan ang kanyang kamay.
Biglang nahiya si Nollet nang maalala ang mga sinabi niya rito. Hindi pala niya mapapangatawanan na palayuin si Ark sa buhay niya. Dahil heto, kasabay ng pagkain niya ng sopas ay kinakain din niya ang mga sinabi rito na hindi niya ito mamahalin.
Pinisil-pisil ni Ark ang mga kamay niya as if to reassure her na: “Alam ko, dadating ang panahon na sobra pa doon ang magiging pagmamahal mo sa akin. ‘Yong pagmamahal na yanigin man ng mga pagbabago at mga pagsubok, hindi patitinag. Hindi pakakabog. Kasi Nollet, ang pagmamahal ko sa iyo, hindi rin magigiba. At wala itong sinusunod na measurement. Walang pamantayan. Basta mahal kita. Kasama ng kasalukuyan at ng nakaraan mo—pangit man o maganda.”
Hindi na mapigil ni Nollet ang paglitaw ng goose bumps niya. Napakasaya niya ng mga oras na iyon. Kontento at payapa ang puso niya. Hindi niya alam kung mapanghahawakan niya ang mga sinasabi ni Ark. Pero ganoon ang sinasabi ng sincerity na nasa mga mata nito. Na totoo ang mga iyon kaya dapat lang na paniwalaan. Ganoon din ang ibinubulong ng puso niya. Na mapanghahawakan niya ang pagmamahal na ibinibigay nito.
Sa pagkakataong iyon ay kakalimutan na niya ang mga sakit ng loob, disappointments at mga nasirang expectations niya noon kay Enrique. Mali nga siguro na ihanay niya si Ark sa mga katulad ng kanyang asawa sa turing, na later on ay naging asawa sa papel. At maling-mali na ikulong niya ang sarili sa nakaraan kung may naghahandog sa kanya ng buhay sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Nakakatawang isipin na naging legal siyang asawa ni Enrique. Pero noong buhay pa ito at nagsasama pa sila, minsan man ay hindi niya natawag ito bilang kanyang asawa kahit nagsama sila sa loob ng tatlong taon.
Lalakasan na ni Nollet ang kanyang loob. Susubok siyang muli. Bibigyan niya ng pagkakataon ang sarili na magmahal muli. Na umasa sa isang uri ng pagmamahal na tulad ng pagmamahal niya—ibibigay ang lahat para sa taong minamahal. “Thank you for loving me,” anas niya kay Ark sabay tingkayad. Siya na ang humalik dito.
Saglit na nagsaestatwa ang lalaki habang hinahalikan niya. Nanumbalik bigla sa isip ni Nollet ang unang halik na pinagsaluhan nila. Ilang buwan na ang nakakaraan. Sa mismong silid na iyon. Siya ang parang estatwa noon habang buong tamis na hinahalikan ni Ark.
Napangiti si Nollet sa lumitaw na alaala habang kubkob na ni Ark ang mga labi niya. Katulad noong unang halikan siya nito, damang-dama niya ang suyo at tamis sa bawat hagod ng halik. And he was a perfect kisser. Hindi dahil sa alam nito ang bawat paraan at nuances ng paghalik na magpapabaliw sa hinahalikan nito, kundi dahil damang-dama niya ang pagmamahal at suyo at pag-iingat sa paraan nito ng paghalik.
“I love you so much, Nollet...” anas nito nang sa wakas ay maghiwalay ang kanilang mga labi para sandaling sumagap ng hangin.
“I believe you, Ark... I love you, too...”
Muli, nagsalo sila sa matatamis na halik na alam niyang hinding-hindi nila pagsasawaan in about seven to seventy years more.
May pakiramdam si Nollet na lalo pa niyang mamahalin ang lalaking ito sa mga darating na araw. And she could not wait any longer for the future. Their future.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro