Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Untraceable

“SIGURADO ka ba, Manang, na susunod talaga sa akin sa office si Lani? Nakita mo ba siyang umalis ng bahay?” tanong ni Valtus Contreras kay Manang Brieta pag-uwi niya ng hapon at hindi niya nadatnan sa bahay ang asawa.
“Naku, Sir, hindi ko siya nakitang lumabas kay nasa palingke ako. Basta paglipat ko dito ng pagtapos magkain ng tanghalian saka ko lang nalaman na wala siya. Nakita ko nga ‘yang sinulat niya na dinikit ng ref magnet.”
Normal na kung minsan ay nagpupunta si Lani sa kanyang opisina. Pero kapag lang pinapapunta niya. Wala naman siyang natatandaan na pinapunta niya ito sa opisina. Bigla siyang kinutuban ng masama. Tinakbo niya ang kuwarto nila.
“Sir Valtus, hindi kaya naaksidente si Ma’am Lani-”
Hindi na niya pinansin ang sinasabi ni Manang Brieta. Nagkulong siya sa kuwarto. Binuklat niya ang mga gamit ni Lani. Naroon naman lahat ng damit nito. Ang bag nito at wallet ay naroon. Intact ang pera, ATM cards, IDs. Naroon din ang mga gamit ng asawa. Kumpleto ang mga alahas. Ang cosmetics na ginagamit nito, ang bags, ang mga sapatos, walang bawas. Naroon din ang cell phone nito na walang battery.
Kahit nag-aalala si Valtus, medyo nakampante siya na walang bawas ang mga damit at walang nawawala sa mga gamit ni Lani. Naisip tuloy niya na baka nga tama si Manang Brieta.
Ngayon siya nagsisisi kung bakit inalisan niya ng battery ang cell phone ni Lani. Hindi tuloy niya ito matawagan.
Tumawag siya kay Fitch, ang matalik niyang kaibigan at may-ari ng security agency na nangangalaga sa kanya at sa kanilang opisina. Dito siya magpapatulong na mahanap si Lani. Magaling itong makaamoy sa posibleng kinaroroonan ng mga taong nawawala. Naniniwala siya na hindi siya tatakasan ng asawa. Wala itong kakayahang gawin iyon. At the back of his mind, kinatatakutan niya ang posibilidad na baka tama si Manang Brieta. Baka nga naaksidente si Lani kanina habang patungo sa opisina niya.
Hindi naman sana. Hindi niya kayang mawala ang asawa. Gagawin niya ang lahat para hindi ito  mawala sa piling niya. Tinawagan niya ang biyenan. Pero, “Your number cannot be completed if dialled,” ang sabi ng recorded message ng telco. Nagtaka siya. Wala pang isang linggo mula nang tumawag silang mag-asawa kay Mama Lota. Bakit biglang hindi na ito makontak?  
Tinigilan na niya ang pagsubok na makontak ang biyenan at inilabas niya ang sasakyan. Halos suyurin ni Valtus ang mga kalsada sa Cagayan de Oro sa pagbabaka-sakali na mahanap ang asawa. At habang nasa labas ay panay ang tawag niya sa mga ospital, nagbabaka-sakali na may nagdala roon kay Lani kung naaksidente man ito. Nakailang balik ang sasakyan niya sa kahabaan ng Grand Europa. Nagtanung-tanong na rin siya sa mga police stations. Pero bigo siya na mahanap ang asawa. Walang bakas na iniwan si Lani.
Para siyang masisiraan ng ulo. Hirap na hirap ang kalooban niya na hindi malaman kung nasaan ang kanyang asawa. Nakaka-frustrate na wala siyang magawa sa mga oras na iyon para matunton ito.
Nang sumunod na araw ay sa record ng airlines at pier naman siya naghanap. Pero bigo siya na makita ang pangalan ng asawa sa manifesto ng mga naglayag na commercial trips ng barko at flights ng mga eroplano. Maging si Fitch ay walang makuhang lead kung saan nagpunta si Lani.
“Sa tingin ko nag-travel siya under a fictitious name.” Iyon ang theory ni Fitch nang mag-report ito sa kanya. “Sa tingin ko rin naka-disguise siya nang sumakay ng barko.”
“Sure ka na barko ang sinakyan niya?”
“Oo, Valtus. Mas malilinaw ang mga CCTV camera at mas mahigpit ang security sa Laguindingan International Airport, unlike sa pier ng Cagayan de Oro. Siguradong pipiliin niya ang sasakyan na hindi siya mapapansin.”
“Kung i-review mo kaya sa CCTV lahat ng mga pasaherong sumakay ng barko mula kahapon na mawala ang asawa ko hanggang ngayon?”
Napamata sa kanya si Fitch. “Are you kidding? We’re talking about thousands of passengers here. At kahit makaya kong gawin ‘yon, kailangan pa rin natin ng permit para magawa ang gusto mong mangyari.”
Noon na nagpasya si Valtus na magpa-book sa pinakaunang flight pa-Clark International Airport kinabukasan ng umaga. Iyon ang mas malapit na airport sa Bataan. Pupuntahan na niya ang mga ito.
Sarado ang bahay ng biyenan ni Valtus pagdating niya sa Minanga. Ayon sa mga kapitbahay ay dadalaw raw ito at si Robbie kay Lani sa Cagayan de Oro. Na isang linggo raw na magbabakasyon ang mga ito roon.
Naguluhan si Valtus sa nakuhang impormasyon. Minabuti niya na hanapin sa Morong ang bahay ng Tito Lino ni Lani. Nang makausap naman niya ito, sinasabi rin sa kanya na nagpaalam ang biyenan niya at bayaw na dadalawin ang kanyang asawa sa Cagayan de Oro. At tulad niya, hindi na rin daw nito makontak ang numero ng biyenan niya.
Noon na siya naghinala na nakaplano ang pag-alis ni Lani sa bahay nila. Tinakasan siya ng asawa. At alam iyon ng biyenan niya. Kaya maging ang mga ito ay umalis na rin sa Minanga.
Galit na galit si Valtus. Napaglalangan siya ng mga ito.
Pero kahit gaano kahusay ang pagkakaplano ng mga ito para hindi niya matunton, alam niya at isinusumpa niya sa sarili, isa sa mga araw na ito, matatagpuan din niya ang asawa.

KAILANGAN ni Lani ng trabaho o kahit na anong mapagkakakitaan. Hindi puwede na gagastos lang siya at walang nagiging kapalit ang perang lumalabas. Ayaw din niya ng nakakulong lang sa kanyang inuupahang kuwarto. Kaya nga tuwing pumupunta si Ayeth sa puwesto nito sa Recto ay sumasama siya para malibang.
Tuwing tatawagan siya ni Ivony ay hinihikayat siya na doon na lang pumisan sa bahay nito at ng asawang si Prince sa Antipolo. Mas mapapanatag daw ang loob nito kaysa kung naroroon siya sa isang lugar na wala siyang kaibigan at kamag-anak. Ilang ulit na rin nitong tinanong ang eksaktong kinaroroonan niya sa Metro Manila. Nakailang pagyayaya na rin ito na magkita sila. Lahat ng iyon ay tinanggihan ni Lani. Hindi naman dahil sa wala siyang tiwala sa kaibigan na maililihim ang kanyang kinaroroonan kung sakali na matunton ito ni Valtus at tanungin. Minabuti na lang niya na walang makaalam ng kinaroroonan sa ngayon. Sa palagay lang niya ay mas safe ang ganoon para sa mga kaibigan at sa mga mahal niya sa buhay.
“Alam mo, Ate Roma, puwede mong gawing negosyo ang pagluluto,” sabi ni Ayeth habang nilalantakan ang chicken hardinera na iniluto niya. “’Dami mong alam sa pagluluto. At ang boarders dito tamad lahat magluto. Laging fast food ang kinakain. Mahal na, unhealthy pa. Alam mo ba no’ng buhay pa si Mama lagi siyang nagluluto ng veggies. Missed ko na nga ang chop suey at pakbet niya. Pati pag nagluluto siya ng kare-kare, ang daming gulay. Heaven na heaven with alamang.”
Naaaliw na pinagmasdan niya ang dalagita. Napakaaga pala nitong naulila. At bihira sa mga kabataan ngayon ang mahilig sa gulay. Mahusay sigurong magpalaki ng anak ang mga magulang nito. “Gusto ko nga din sana. Puwede akong kumuha ng orders sa boarders ninyo at pati sa boarders ng dorm  d’yan sa tapat. Pero nahihiya ako sa kuya mo. Baka kasi hindi niya magustuhan. Risk kasi sa sunog ang pagluluto.”
“Ano ka ba? kahit madami o konti lang ang iluto mo, wala namang problema. May fire extinguisher sa kusina. May sprinkler system din. Saka sigurado magugustuhan din ni Kuya. Kasi pareho lang kami na sawang-sawa na sa lutong fast food.”
“Kung tanungin mo kaya muna siya? Ayoko kasi na papayag siya pero napipilitan lang. Baka kasi hindi niya talaga gusto. Nakakahiya. Lalo na nga, ang dami n’yo nang pabor na nabigay sa akin.”
“Grabe ka, Ate Roma. Ano bang pabor ang sinasabi mo d’yan? May bayad naman ang pagtira mo  dito, ah. Besides, sigurado ako na matutuwa si Kuya kung regular ka nang magluluto. Hindi na siya pipila sa drive thru ng mga fast food resto, masarap pa ang kakainin namin.”
“Palagay mo?”
“Oo nga, sabi.”
“Pero mas mabuti na din ‘yong magpaalam muna ako.”
“Ikaw bahala. Yiii! Excited na ako!  Don’t worry, Ate Roma, ako mismo ang kukuha ng mga pa-order mo sa katapat na dorm. Ka-berks ko ang mga nagdo-dorm do’n.”
“Salamat, Ayeth. Salamat talaga. Minsan naiisip ko na angel ka na pinadala ni Lord no’ng araw na hindi ko alam kung saan ako pupunta.”
“Ay, grabe sha!” Pabirong nag-swoon ang dalagita. Pero halata na natuwa ito sa papuri niya.
Kung mabibigyan siguro siya ng chance na magkaroon ng kapatid na babae, isang kagaya ni Ayeth ang gugustuhin niya. Pangit nga lang sa pakiramdam na marami siyang inililihim dito at kay Xaniel.
Nang gabi ring iyon ay kinausap ni Lani ang binata para ipagpaalam ang tungkol sa kanyang plano.
“’Yon lang pala. Okay lang,” nakangiting sagot ni Xaniel. Nakatutok sa kanya ang mga mata nitong parang laging nakangiti. Ito lang yata ang tao na kahit maghapon nang nasa labas ay mukhang bagong paligo pa rin. Malinis at makinis ang balat nito na may ilang maliliit na nunal sa bandang noo. Bagay sa tuwid na buhok nito ang clean cut.  Kahit medyo malaki ang matangos na ilong ay bagay naman sa shapely lips nito. “Masarap kang magluto. Sigurado ako na matutuwa ang boarders dito pati na ang mga kapitbahay na oorder ng lulutuin mo.”
“Sana nga. Kailangan ko ng source of income pati na ng mapagkaabalahan sa mahabang extrang oras na meron ako.” Sa mga mata na niya nakatitig si Xaniel sa puntong iyon.
“You’ve got lovely eyes.”
Kumabog ang dibdib ni Lani. Nangungusap ang mga mata nito at gustong makiliti ng kanyang puso. Huling narinig niya ang eksaktong linya na iyon ay mag-iisang taon na ngayon ang nakakaraan…

“YOU’VE got lovely eyes…”
Kumislot ang dibdib ni Lani sa paraan ng pagtitig ng lalaki na nagpakilala sa pangalang Valtus. Nasa tabing dagat siya. Araw ng Linggo noon, off niya sa pinapasukang BPO. Nakakiling na ang araw at hindi na gaanong masakit sa balat ang init. Nagri-relax siya matapos tulungan ang mama niya na magtiklop ng mga nilabhang damit. Gamit ang isang mahabang patpat ay gumuguhit siya sa basang buhangin nang lapitan siya ng lalaki. Bisita raw ito sa Sunset Cove, isa sa ipinagmamalaking beach resort ng Minanga.
“You’re very, very lovely, Lani. I hope this is not the end of our meeting. Gusto pa kitang makita uli.”
Namumula siguro ang pisngi niya. Ang init-init ng pakiramdam ng mukha niya sa lantarang interes na ipinapakita sa kanya ng lalaki. Nagtataka siya kung bakit sa hitsura nito, guwapo, matangkad, alon-alon ang buhok, mamula-mula ang kutis, ang features ng mukha ay older version ng kay James Reid, at mukhang may-kaya—ay magkakainteres sa isang ordinaryong babae na tulad niya. “P-pero hindi ka naman tagarito. Aalis ka rin.”
“Pero puwede akong bumalik lagi. I’d want to know you better, Lani. I’d like to see you often. See what the future holds for us.”
Napapalunok si Lani. Ngayon pa lang siya nakakilala ng ganitong lalaki na diretsahang sinasabi ang gusto at ang gustong mangyari. “Ikaw ang bahala.”
Ngumiti ito at nag-flip sa kilig ang puso niya.
Nang sumunod na magkita sila ni Valtus ay may dala na itong box ng Ecuadorean roses na may tatak na Venus et Fleur. Thirty six roses. At tatlong bar ng Lindt milk chocolates. Sinong babae ba ang hindi mai-impress nang todo sa effort ni Valtus? Kung ang ibang babae ay may linyang: “He had me at hello,” si Lani naman ay may linyang: “He had me at his over-the-top effort.”
Pero kahit galante si Valtus sa pagbili ng regalo, hanga siya dahil madalas na pagkain lang ang inireregalo nito sa kanila ng mama niya at kay Robbie, hindi alahas o ano pa mang mamahaling bagay. Hindi ito nagmumukhang binibili siya. Labis na nagpapakilig din sa kanya ang madalas na pagbibigay nito ng love letters na isinusulat nito sa cards.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro