After Forever
"'Tol may naghahanap sa'yo sa lobby," wika ng kabahay ko pagbukas pa lamang niya ng pinto ng kwarto namin. Agad naman akong napahinto sa pagmememorya ng mga terms para sa exam namin bukas at napatingin sa kanya.
"Si Lorena?" Tanong ko.
Nakapagtatakang dalawin pa niya ako ngayon eh heto ngang naghahabol kami ng mga ipapasang projects at research papers. Simula na rin ng exams bukas kaya talagang kailangang mag-double time. Kung pwede nga lang naming hatiin ang mga katawan namin sa bawat subject na meron kami eh.
"Ulol kilala ko girlfriend mo. Sasabihin ko naman kung siya 'yung nasa labas," maangas na bwelta nito sa'kin sabay hagis ng bag sa kama niya.
"Eh sino?"
"Ewan. Maganda tapos maputi. Baka pinsan mo."
Pinsan? Lahat ng pinsan ko nasa probinsya. Ano namang gagawin nila rito? Atyaka pwede namang i-text bakit kailangan pang lumuwas? Magpapasabi naman siguro 'yung mga 'yun kung papasyal sila rito.
Hindi na ako nagtanong pa sa kabahay ko't baka mabato pa niya 'ko ng kung ano sa inis. Naghahabol din kasi 'yun dahil delikado sa isang subject niya.
Itinigil ko muna ang mga ginagawa ko at bumaba saglit. Nasa seventh floor pa kami ng dorm kaya nag-elevator na lang ako para mas madali at hindi nakakapagod. Pagkababa ko sa lobby agad kong hinanap 'yung maganda tapos maputing sinasabi nung kabahay ko. Hindi naman na ako nahirapan sa paghahanap kasi nakita ko kaagad siya.
Napatayo siya nang makita ako. Maluha-luha ang mga mata niyang nakatitig sa'kin. Sana pala mas pina-describe ko siyang maigi para nalaman ko kaagad at hindi na ako nagsayang pa ng oras bumaba. Gusto ko sanang bumalik na lang sa itaas pero nakita na niya ako eh. Nandito na ako.
Naglakad ako palapit sa kanya. Habang papalapit ako ng papalapit mas lalo kong napansin 'yung mga nagbago sa kanya. Mas pumuti pa siya lalo tapos nagkaroon ng konting freckles sa mukha. Nakapusod ang mahaba niyang buhok kaya angat na angat ang mga mata niya. Dati ayaw niyang mag-ponytail kasi naco-conscious siya sa noo niya. Naka-sky blue siyang long-sleeved dress at naka-puting stiletto. Kung ako pa rin 'yung dating ako nung high school mai-in love ulit ako sa kanya.
Sa tantya ko limang hakbang na lang ang pagitan naming dalawa. Nakatingin pa rin siya sa'kin habang tumutulo ang mga luha niya. Nakakatuwa kasi hanggang ngayon hindi pa rin siya natutong mag-make up o baka alam na niya pero pinili niyang hindi maglagay ngayon dahil alam niyang maiiyak siya.
Sinenyasan ko siyang umupo sa sofa. Dahan-dahan siyang umupo run nang hindi pa rin inaalis sa'kin ang tingin niya. Umupo ako sa kaharap na sofa nun at hinintay siyang ibuka ang bibig niya. Nahalata niya sigurong naghihintay ako kasi dumukot siya ng panyo sa purse niya at pinunasan ang mga luha niya. Huminga siya ng malalim at pinilit ngumiti.
"Kumusta ka na?" Una niyang tanong.
"Okay lang," mabilis kong sagot. "Kailan ka pa dumating?"
"Ngayong week lang."
Bumalik ulit ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Siguro parehas lang kaming nabigla kaya hindi kami agad makapagsalita. Wala rin naman akong nakikitang dahilan para magkita o magusap pa kami eh. Maga-apat na taon na rin nung huli kaming nagkita. Akala ko 'yun na ang huling beses. Actually, ipinagdasal ko talagang sana 'yun na ang huli.
"I'm sorry, really. I tried to reach out to you pero 'yung mga numbers na binigay sa'kin ng mga dati nating kaklase hindi ko matawagan. Sinubukan ko ring hanapin ka sa Facebook pero wala rin," pahayag niya. Rinig na rinig ko ang pagkalungkot sa boses niya. Dati punong-puno ng energy 'yun kapag kausap niya ako pero ngayon parang nahihiya siya.
"Because I blocked you," walang kagatol-gatol kong sabi. Tumango siya pero nakita kong namumuo na naman ang mga luha sa mata niya. Napalunok siya at yumuko.
"Break na kami ni Gab. Matagal na. Simula pa nung umalis ako papuntang Canada."
"Ano ba talagang ipinunta mo rito?" Nainip na ako kaya diniretso ko na.
Sa totoo lang wala akong nararamdamang kahit ano ngayon. Gusto ko lang matapos itong paguusap na ito at makabalik sa kwarto. Alam kong hindi lang siya mangangamusta. Nakakainis kasi pinapatagal pa niya.
Sinubukan niyang tumingin sa'kin pero dali-dali rin siyang napayuko ulit. Siguro kasi nakita niya ang galit sa mga mata ko. Siguro unti-unti siyang pinipeste ng konsensya niya habang tumitingin sa'kin. Mabuti rin 'yun. At least alam niya at hindi pa rin niya nakakalimutan ang mga ginawa niya.
"Sorry. Sorry kung—"
"Sorry for cheating on me with my best friend and breaking-up with me through text?" Napangisi ako pagkatapos kong sabihin 'yun sa kanya. Sayang nga lang at hindi niya nakita.
Napatingin ako sa mga kamay niya. Pinipilit niyang patigilin ang panginginig ng mga iyon. Ilang saglit pa ay nakita ko ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha niya sa mga kamay na iyon. Hanggang sa hindi na rin niya ma-control ang panginginig ng mga balikat niya. Ganon pa man hindi pa rin ako natinag. Hindi ko pa rin nagawang maawa sa kanya.
"Naplano ko na sa isip ko 'yung magiging future natin noon eh. Three years and six months, Ada. I don't know how you managed to throw that all away," wika ko.
Dati nung pagkatapos naming mag-break, nagisip ako ng mga bagay na sasabihin ko na talagang tatagos sa kanya. Akala ko kasi magsosorry siya after some week, month or year. Pero tignan mo nga naman, it took her four years to say sorry to me. Ngayon lang ba siya binagabag ng konsensya niya? Ngayon lang ba siya nakarma sa mga ginawa niya sa'kin noon?
Hindi ko alam kung saan ako magsisimula sa pagkwekwento ng mga pinagdaanan ko pagkatapos niyang magtext sa'kin na break na kami. Sobrang wasak na wasak ako 'nun na muntik na akong hindi maka-graduate ng high school kasi hindi ako maka-focus sa mga subjects ko. Hindi ako makatulog gabi-gabi sa kakaisip kung saan ako nagkamali o nagkulang kaya niya nagawa 'yung ginawa niya noon. Pupuslit ako sa banyo para lang umiyak at pagsusuntukin ang mga pader sa tuwing makikita ko silang magkasama ng best friend ko. Ayokong bumangon at pumasok kasi alam kong makikita ko na naman silang dalawang masaya. I've been through hell because of her. Siguro kasalanan ko rin kasi masyado ko siyang minahal noon.
Pinipigilan ko ang sarili kong sumigaw para lang tumingin siya sa'kin. Para makita niya kung ano 'yung sinayang niya. Para makita niyang maling niloko niya ako. Para makita niya sa mga mata ko lahat ng sakit ng binigay niya sa'kin four years ago.
"Ini-expect mo bang tatanggapin kita pagkatapos lang nung sorry mo?" Natatawa kong tanong.
'Yung mga taong pumapasok sa dorm hindi maiwasang mapatingin sa kanya. Siguro akala nila ako 'yung masama. Siguro iniisip nila ako 'yung masamang boyfriend. Wala silang alam eh. Wala silang alam sa pinagdaanan ko noon.
Narinig ko ang paghikbi niya. Huminga siya ng malalim at sa wakas ay tumingin sa'kin. Mugto na ang mga mata niya't lahat-lahat hindi ko pa rin magawang maawa sa kanya. Baka bato na ako pagdating sa kanya.
"Why did you do it, Ada?"
"I thought I loved him—"
"Bakit hindi ka nakipagbreak sa'kin sa personal," I made it more specific.
Ang pinakamasakit, sa iba ko pa nalamang best friend ko ang dahilan kung bakit nakipagbreak si Ada sa'kin noon. Oo, dati interesado akong malaman kung sinong unang lumandi kanino. Pero hindi na 'yun importante sa'kin ngayon. Gusto ko lang malaman kung bakit hindi nila nagawang sabihin ng harapan sa'kin. Classmates ko pa sila noon pero umakto silang wala silang nasaktan. Sa kanila ang mundo noon eh.
"Kasi natakot ako na kapag nakita kita ma-realize kong nagkamali ako ng pinili. Natakot akong baka hindi kita maiwan at masinungaling na lang ako ng magsinungaling sa'yo," paliwanag niya. "I still love you, David. I never stopped."
Hindi ko napigilang matawa sa huli niyang sinabi. Mali eh. Hindi mo kayang magmahal ng dalawa. Mahal niya si Gab noon tapos mahal niya rin ako? Sobrang mali. Siguro naman hindi siya ganon Katanga para hindi ma-realize noon na landian lang lahat 'yung sa kanila ni Gab. O baka bobo lang talaga siya kaya hindi niya naisip na 'yung sa'min 'yung tunay.
Hindi ko inaasahang magiging ganon siya. Niligawan ko siya nung first year high school kami kasi ang simple niya, matalino sa klase, palangiti. Sure, marami rin siyang flaws gaya ng pagiging judgmental, madaldal, at balasubas sumagot sa teachers kapag minsan. Hindi ko alam na kaya niyang maging malandi o marupok kapag nilandi. Siguro meron at meron ka talagang hindi malalaman sa isang tao kahit gaano mo na siya katagal na kakilala. Pati si Gab hindi ko alam ginagago na pala ako habang nakatalikod ako. Siya pa nga noon ang pumilit sa'king ligawan si Ada. Nakakatawa kasi siya 'yung dahilan kung bakit naging kami ni Ada pero siya rin pala ang magiging dahilan ng break-up namin.
"Alam mo ba kung ano 'yung pinakanakakagago dun sa text mo?" Tanong ko. "Ilang beses mong inulit na mahal mo ako. Hindi ko magawang maging masaya kasi kahit ilang I love you pa 'yun, sa huli alam kong makikipaghiwalay ka pa rin sa'kin. Akala mo mababawasan nun 'yung sakit?"
Yumuko ulit siya at umiling. Pinahid niya ang mga luha niya gamit ang panyo. 'Yung isang kamay niya mahigpit na nakahawak dun sa tela. Habang 'yung kabila naman nakakuyom. Mas lalo ring tumindi ang paghikbi niya. Pakiramdam ko nga nahihirapan na siyang huminga. Lintik lang kasi kahit anong gawin ko wala akong maramdamang simpatya para sa kanya.
"Kung hindi mo na ako mahal, at least tanggapin mo man lang 'yung sorry ko," saad niya.
"You don't get to decide, Ada. Oo, naka-move on na ako pero hindi ibig sabihin nun hindi na ako galit sa'yo. Do me a favor, subukan mong ilagay 'yung sarili mo sa David na iniwan mo noon."
Na-realize kong mahirap pala kapag ibinigay mo lahat-lahat ng pagmamahal sa unang taong mamahalin mo. Kasi kahit anong mangyari, gagawa at gagawa pa rin ang buong universe ng paraan para paghiwalayin kayo. And trust me, it's gonna hurt like hell. Kung hindi ka prepared na masaktan ng ganun katindi at kung gusto mong sa susunod na taong mamahalin mo ay may maibigay ka pa, huwag mong ibubuhos lahat sa una.
"May girlfriend ako ngayon," biglaan kong sabi. "Hindi tulad noon, hindi ko na ipinapanalangin na sana magtagal kami. Ipinagdadasal ko na lang na sana hindi siya maging katulad mo," napatingin siya sa'kin. Siguro dahil nagulat siya. "You ruined me, Ada. You don't deserve my forgiveness. You don't deserve anything from me."
Tumayo na ako at naglakad papunta sa elevator. Nang makarating ako sa seventh floor, dumiretso agad ako sa kwarto ko at ipinagpatuloy ang pagsasaulo ng mga terms.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro